HAPPY BIRTHDAY MARAMI, CONDOLENCE KONTI

HAPPY BIRTHDAY MARAMI, CONDOLENCE KONTI

December 3, 2022 @ 11:39 AM 2 months ago


NGAYONG medyo nakasisilip-silip na ako sa Facebook o Meta account ko, napapansin kong sa bawat 100 friends, nasa lima lang ang may condolence o dasal para sa nagkakasakit.

Sa kasagsagan ng COVID-19, baligtad ang mga mensahe.

Higit na marami ang nagko-condolence at nagdarasal para sa may sakit at COVID-19 kaysa bumabati ng happy birthday.

Nakalulungkot ang mahigit na dalawang taong nakalipas.

Hindi naman pupwedeng itigil natin ang pagbubukas ng account dahil sa tawag ng tungkulin.

Nasa 24-oras tayong nagbabantay sa mga tawag para tumulong sa mga naoospital na hindi natin malalaman kung masasawi o mabubuhay kinabukasan o sa susunod na mga araw.

Nandiyan din ang labis na kahirapan sa pagtigil ng empleyo at mga hanapbuhay o negosyo.

Bilang mediaman at konektado sa Lions Clubs International at miyembro ng Pasay City Host Lions Club, laging nakamulat ang mga mata natin.

Para tumulong sa posibleng may sakit, lalo na ang may COVID-19, kumontak ng doktor para sa kanila, kumontak ng mga local government unit para sa ambulansya at pagdadalhang ospital, magdala ng gamot at pagkain sa mga nila-lockdown at marami pang iba.

At magdala na rin ng mga ayuda sa mga nangangailangan, gaano man kaliit ang mga ito.

Ngayon nga, higit nang nakararamdam tayo ng saya, pahinga at pagpansin sa mga bagay na noong kasagsagan ng pandemya ay mailap.

Hindi man tayo madalas na sumilip sa ating social media account, andiyan naman ang kumpiyansa na wala nang gaanong dinaranas ng marami na sakit at paghihirap.

Oo nga pala, nakikiisa tayo sa panawagan ng pamahalaan ni Pangulong Bongbong Marcos na magpabakuna o magpa-booster shot laban sa COVID-19 at sumunod sa mga patakaran laban sa pandemya.

Ito’y para hindi na tuluyang makapanalasa pa ang salot na pandemya.

Happy bertdey pa more at no more condolence sana!