Harassment sa gift-giving ng isang grupo, itinanggi ng MPD

Harassment sa gift-giving ng isang grupo, itinanggi ng MPD

December 12, 2022 @ 6:23 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Mariing itinanggi ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) ang umanoy harassment na nangyari sa gift-giving at educational activity ng grupong Altermidya sa Sta. Mesa, Maynila nitong Linggo ng umaga, Disyembre 11.

Napag-alaman na rumisponde ang higit 10 tauhan ng Sta. Mesa Police Station sa Valencia Street ukol sa ulat na pagpapasara ng kalsada dahil sa isang aktibidad.

Pagdating nila sa lugar, nasaksihan nila ang aktibidad at nakipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay at sa mga organizer.

“After they learned about the said activity, they decided to stay for area security and monitoring. While at the area, said organizers become unpleasant and questioned the police presence they were providing,” ayon sa pahayag ng MPD.

Sa social media post ng Altermidya, inakusahan ng organizer na Tulong Kabataan Sta. Mesa (TKSM) ang MPD na nagpapatigil sa kanilang pagtitipon dahil sa pagiging subersibo umano ng mga module na kanilang itinuturo sa mga bata.

“Pero makikita sa mga larawan na mga coloring activity at science modules ang gamit,” ayon sa TKSM.

Dagdag pa ng TKSM nagpatuloy umano ang harassment at “red-tagging” habang nasa gitna ng programa kasama ang mga bata.

Bunsod nito, napilitan ang TKSM na tapusin ang programa at umalis sa lugar alas-1:30 ng hapon dahil sa umano’y intimidasyon ng mga pulis.

Iginiit nila na may permiso umano sila sa opisyal ng barangay para sa naturang aktibidad.

Itinanggi ito ng Sta. Mesa Police Station na iginiit na seguridad lang ang ibinigay nila sa pagtitipon.

Hindi umano representasyon ang mga litratong ibinahagi sa social media pate ng Alter Midya sa tunay na naganap at nagkaroon lamang ng misinterpretasyon sa presensya nila habang bahagi ng kanilang uniporme ang pagkakaroon ng armas. Jocelyn Tabangcura-Domenden