Hate crime sa mga Pinoy sa US umabot na sa 42 insidente-consul

Hate crime sa mga Pinoy sa US umabot na sa 42 insidente-consul

July 25, 2022 @ 12:53 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni New York Consul General Elmer Cato nitong Lunes na may kabuuang 42 na insidente na may kaugnayan sa hate crime laban sa mga Pilipino ang naitala mula noong nakaraang taon.

Sa panayam sa radyo, sinabi ni Cato na ang 42 insidenteng ito ay “isolated cases” at “maliit na bahagi” lamang ng 67,000 Pilipino sa New York.

Ligtas pa rin aniya ang pagpunta sa Estados Unidos sa kabila nito.

“I’m not saying it’s normal but it has not reach the proportion where we could say na it’s really very dangerous na ‘wag na kayong pumunta sa New York,” aniya.

“I could say that these are isolated cases that have been taking place kasi sabi nga 42 cases not just of hate crimes, and we have 67,000 Filipinos in New York so this is just 0.006% ang tinamaan sa atin. So, hindi siya ganun kalala,” aniya pa.

Ang kamakailang kaso ng hate crime laban sa mga Filipino sa New York ay ang isang 51-anyos na Pinay na sinaktan at hinaras ng sinasabing babaeng walang tirahan sa 63rd Drive Subway Station sa Rego Park, Queens.

“Subsequently, we found out that may sinasabing anti-Asian slurs ‘yung suspect na, ‘F* you Asians, you go back to your country,’” ani Cato.

Nauna nang ipinaliwanag ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na ang COVID-19 ay nag-udyok sa ilang mga Amerikano na magsagawa ng hate crimes dahil marami sa kanila ang nawalan ng trabaho sa gitna ng pandemya. Itinuring din nila na ang buong komunidad ng Asya ay nagmula sa China kung saan natukoy ang unang kaso ng COVID-19.

Nauna ring nanawagan si Romualdez sa mga alagad ng batas sa US na paigtingin ang kanilang pagsisikap sa mga hate crimes matapos mabiktima ang ilang Pilipino nitong mga nakaraang buwan. RNT