‘Hatid Saya’ entertainment program para sa OFWs bubuhayin ng OWWA

‘Hatid Saya’ entertainment program para sa OFWs bubuhayin ng OWWA

August 15, 2022 @ 9:27 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Bubuhayin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang “Hatid Saya” entertainment program para sa mga Filipino na nagtratrabaho abroad, ayon kay OWWA Administrator Arnell Ignacio.

Sinabi ni Ignacio na ang pag-entertain sa mga Overseas Filipinos Workers (OFW) ay isa sa mga inisyatiba ng OWWA sa ilalim ng kanyang panunungkulan bukod sa pagbibigay ng tulong sa mga manggagawa at kanilang mga pamilya.

Si Ignacio na galing sa entertainment industry ay ginawa ang anunsyo ilang araw lamang matapos siyang hirangin bilang bagong OWWA administrator ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang Hatid Saya ay unang inilunsad noong 1980s bilang isang musical tour na nagtatampok sa mga Filipino performers, entertainers at singer, na naglalakbay sa mga piling lungsod sa ibang bansa kung saan mayroong malaking bilang ng mga OFW.

Ang programa ay idinisenyo upang makatulong na maibsan ang homesickness at culture shock ng mga OFW, lalo na para sa mga bagong-migrate sa ibang bansa para sa kanilang mga bagong trabaho.

Samantala, tiniyak ni Ignacio sa mga OFW na uunahin ng kanyang opisina ang kanilang mga alalahanin basta’t sila ay nakikipag-usap sa pamamagitan ng tamang mga channel.

Ang mga welfare officer ng OWWA sa Saudi Arabia, halimbawa, ay kailangang tumugon sa mga alalahanin ng 2 milyong OFW na nagtatrabaho doon, sabi ni Ignacio.

Hiniling naman ni Ignacio na ibigay ang buong detalye kapag hihingi ng tulong dahil karamihan aniya ay mahaba ang salaysau ngunit walang pangalan at bansang ibinibigay.

“Pangalan, mobile number, at kung nasaan ka. Kung hangga’t kaya mong sabihin kung anong area sumasakop sa iyo… tatawag lang tayo doon sa ating welfare officers,” ayon kay Ignacio sa panayam sa telebisyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden