Hazard pay sa health workers ibigay bago mag-Pasko – Tulfo

Hazard pay sa health workers ibigay bago mag-Pasko – Tulfo

October 3, 2022 @ 6:58 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inabisuhan ni Senador Raffy Tulfo nitong Lunes, Oktubre 3 ang Department of Health na ibigay na ang pangakong COVID-19 response benefits at allowance ng mga health workers bago mag-Pasko.

Ito ang sinabi ng Senador kasabay ng pagdinig ng Senate committee on finance sa proposed budget ng DOH at idiniin rin niya ang sakripisyo ng mga health workers nitong panahon ng pandemya.

“Sana ma’am bago mag-Pasko maibigay sa kanila ‘yun. Pera nila ‘yun. Pinaghirapan nila ‘yun. Tinaya nila ang buhay nila during COVID and then maliit na halaga lang ‘yun kung tutuusin tapos pinagkakait pa natin, naiipit pa,” sinabi ni Tulfo kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire.

“I want it given to them before Christmas time,” dagdag pa niya.

Tugon naman ni Vergeire, nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Budget and Management para ilabas ang dagdag pondo para sa mga health workers.

Ayon pa sa kanya, nagpasa na ang DOH ng request sa DBM noong Setyembre 6 at 9 para ilabas nito ang pondo para sa health workers na aabot sa P11 bilyon at P1 bilyon.

“Hopefully po, DBM has mentioned to us, they might release funds today, so we’ll be able to provide our healthcare workers [their] allowance,” ani Vergeire.

Nanawagan rin ito sa mga mambabatas na tulungan sila na makapaglaan pa ng maraming pondo sa mga healthcare workers’ benefits na kamakailan ay inihayag niyang natapyasan ng malaki sa proposed 2023 budget.

“Kami po sa DOH would really want to provide all the benefits due to our healthcare workers. Unfortunately, we need additional funds. We have arrears to our healthcare workers which spans from July 2021 until this time. Meron kaming utang na P64 billion sa kanila dahil may retroactive provision ang ating RA for emergency allowance,” aniya.

Nagbigay naman ng pangako si Tulfo na tutulong siya para rito. RNT/JGC