‘Hazardous chemicals’ galing SoKor nakumpiska ng BOC

‘Hazardous chemicals’ galing SoKor nakumpiska ng BOC

October 8, 2022 @ 3:42 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nasa P1.5 milyon halaga ng mga itinuturing na “hazardous chemicals” ang nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Cebu-Subport of Mactan na nadiskubre sa isang barko na nagmula sa South Korea nitong Setyembre 30.

Ayon sa BOC, nagsagawa sila ng physical inspection sa sasakyang pandagat nang makatanggap ng impormasyon mula sa Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS)-Subport ng Mactan. Nakakita ang Boarding Team ng kabuuang 8,485 litro ng mga mapanganib na kemikal na binubuo ng Hydrochloric Acid, Potassium Hydroxide, at Sodium Hypochlorite Solution, kung saan hindi ito nakasaad sa manipesto ng barko o store list nito.

Dahil dito, agad na inisyuhan ni District Collector Charlito Martin R. Mendoza ng Warrant of Seizure and Detention laban sa mga nasabing “unmanifested cargoes” makaraang makitaan ng paglabag sa Sections 1113 (g), (f), at (l-5) ng Customs Modernization and Tariff Act.

Ang mga nasamsam na kalakal ay isasailalim sa isang forfeiture proceeding at itatapon alinsunod sa environmental protocols at umiiral na mga patakaran at regulasyon sa customs. JAY Reyes