HAZING, HAZING AT HAZING PA

HAZING, HAZING AT HAZING PA

March 8, 2023 @ 12:22 AM 3 weeks ago


ITONG fraternity, maganda ang layunin.

Tingnan ninyo, sa mga pagsusulit na pang-abogado o bar examinations, malulunod ka sa rami ng reading materials mula sa mga ka-Frat mo.

Nagaganap ito habang nagre-review ka.

Kapatiran kasi ang ibig sabihin ng fraternity at pang-lalaki ito habang sorority naman ang pambabae.

Kapag pinagsama-sama mo ang pag-aaral na kasama ang mga propesor at mga kaklase sa classroom sa iskul o sa internet, sariling pag-aaral at pagtulong sa iyo ng fraternity, malas mo na lang kung babagsak ka sa bar examinations.

Ganito rin ang nagaganap sa ibang mga kurso na aktibo ang mga fraternity na kinabibilangan nila.

Pero may mga paisa-isa na pangyayari na hindi kaaya-aya, partikular ang hazing.

Sa partikular, ilan na nga ba ang namamatay sa hanay ng mga estudyante.

Pinakahuling biktima si John Matthew Salilig,  3rd year chemical engineering student sa Adamson University.

Namatay sa sobrang dami ng palo si Salilig at may pito nang suspek na nahuli,  sumuko o nakilala at may kaso nang nakasampa ang ilan sa mga ito.

Bago mag-Pasko o Disyembre 19, 2022, namatay rin sa hazing si Ronnel Baguio, 20 anyos, marine engineering student sa University of Cebu, Cebu City.

Ayon kay Public Atttorney’s Office chief Persida Rueda- Acosta, bantulot na makipag-cooperate ang Cebu Police.

Sinabi naman ng nanay ni Ronnel na si Leny, ayaw makipag-cooperate ang nasabing unibersidad dahil hindi naman umano sa campus nito naganap ang hazing.

Ito’y sa kabila na instructor umano sa nasabing unibersidad, si Rogelson Getaruelas, ang ninong ni Ronnel sa fraternity.

Ayon sa PAO, si Getaruelas ang unang sasampahan ng kaso sa paglabag sa anti-hazing law na umiiral na simula pa noong 1995 makaraang mamatay si Leonardo Villa sa kamay ng Aquila Legis fraternity sa Ateneo de Manila University.

Pareho naman sina Baguio at Salilig na biktima ng hazing ng Tau Gamma Phi.