HB 3366 NI REP. BOSITA, PAMPAGANDA NG IMAHE NG PULIS, TRAFFIC ENFORCERS

HB 3366 NI REP. BOSITA, PAMPAGANDA NG IMAHE NG PULIS, TRAFFIC ENFORCERS

January 12, 2023 @ 8:45 AM 2 weeks ago


NAPAKAGANDA ng panukalang “Fair Traffic Apprehension Act” o House Bill 3366 na inihain ni 1-Rider Partylist Representative Bonifacio Bosita nito lamang nakaraang taon.

Ipinaliwanag niya ang ilang detalye nito noong nakaraang Biyernes sa programang Media Forum ng National Press Club hosted by NPC Sec. Paul Gutierrez, Director Benedict Abaygar at ng inyong lingkod.

Kilala ang Kongresista bilang road safety advocate na naghayag din ng pagtutol sa ‘No Contact Apprehension Policy’ NCAP dahil sa malingi implementasyon nito.

Ayon sa panukala, magkakaroon nang patas na pagturing sa mga driver na natiketan dahil sa traffic apprehension. Sa kasalukuyang sistema kasi kailangang idaan sa adjudication board ang pag-apila dito.

Ang problema, ayon sa pahayag na rin ng mambabatas, talamak at hindi maitatanggi ang mga pagkakamali ng ilang pulis at traffic enforcer sa isyu nang pagpapatupad ng batas trapiko. Kabilang dito umano ang unfair treatment sa mga driver na umaapila sa adjudication board.

Ang ng masaklap pa, ang malaking perhuwisyo, gastos at iba pang danyos na kakaharapin ng nag-apila kahit pa pumabor sa kaniyang panig ang board.

Sa ilalim ng panukalang batas, maaari nang patawan ng parusa ang nagkamaling pulis o traffic enforcer. Bukod dito maaari na ring mabayaran o ma-compensate ang driver na nanalo sa adjudication process.

Aba, malaking bagay ito para sa kapakanan ng mga driver, dear readers. Bukod sa gastos na maibabalik, eh, mababawasan pa ang stress na maaari nilang kaharapin.

Nalulungkot tayo sa mga enforcer na maparurusahan kapag naisabatas ito pero papaano naman ang kabuhayan ng ating mga driver na mabibiktima ng maling sistema.

Sa ating pananaw, isang magiging malaking benepisyo ng panukala ang pagbubukas ng oportunidad para sa pagpapaganda ng imahe ng pulis at traffic enforcer sa pamamagitan nang pagkakaroon ng refresher training at appropriate guidance upang hindi sila magkamali sa mga apprehension.

Ang batas ay para sa lahat at nararapat lamang na ang bawat proseso at desisyon ay laging patas.

MABUHAY KA REP. BOSITA!!!