HDO vs. PhilHealth officials suportado ng Malakanyang

HDO vs. PhilHealth officials suportado ng Malakanyang

September 15, 2020 @ 4:21 PM 1 week ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Suportado ng Malakanyang ang suhestiyon ng partylist lawmaker para sa pamahalaan na magpatupad ng travel restrictions sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) officials na sangkot sa iregularidad sa state insurer.

Umapela kasi si Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy na ilagay sa immigration watchlists at maglabas ng hold departure order laban mga opisyal ng PhilHealth na isinasangkot sa malawakang korapsyon sa loob ng ahensya.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag kasabay ng pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa rekomendasyon ng taskforce PhilHealth na masampahan ng kaso ang matataas na opisyal ng state-owned health insurer.

“100% in agreement. Magaling po talaga itong si Congresswoman BH,” ayon kay presidential spokesperson Harry Roque.

Maliban dito hiniling din ni Herrera-Dy sa DOJ at NBI na maglabas ng legal authorization para ma-secure ang files at computers sa PhilHealth na maaaring magamit na ebidensya sa mga akusado.

Habang nagsasagawa ng hearing ang Kongreso sinabi ng mambabatas na posibleng nagkakaroon ng pag-delete sa mga file, pag-cover sa electronic trail at pagsira sa mga ebidensya.

Nauna rito, inaprubahan ni Pangulong Duterte ang rekomendasyon ng task force PhilHealth na sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang nagbitiw na si Philippine Health Insurance Corp. Ricardo Morales at ilang  executives kaugnay sa iregularidad sa state-insurer.

Mismong si Pangulong Duterte ang nagbasa ng rekomendasyon ng task force sa public address nito, Lunes ng gabi.

“I’m sorry for them but they will have to undergo trial,” ayon kay Pangulong Duterte.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Presidential spokesperson Harry Roque na inaprubahan ng Pangulo ang rekomendasyon ng task force on PhilHealth.

Kabilang sa mga sasampahan ng kasong kriminal at administratibo ay sina Morales, Senior Vice President (SVP) Jovita Aragona, Officer in Charge Calixto Gabuya Jr., SVP Renato Limsiaco Jr., SVP Israel Pargas, Executive Vice President and Chief Operating Officer Arnel de Jesus at Division Chief Bobby Crisostomo.

Sinabi naman ni Department of Justice na isinumite ng task force ang kanilang report kay Pangulong Duterte araw ng Lunes.

Kasama sa mga alegasyong korapsyon na binanggit ng task force ang procurement ng overpriced IT equipment; kwestyunableng paglalabas ng funds sa ilalim ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM) at umano’y manipulasyon ng financial status ng korporasyon.

Mababatid na tinapos na ng Senate Committee of the Whole ang sarili nilang imbestigasyon sa mga anomalya sa PhilHealth at inirekumendang kasuhan sina Health Secretary Francisco Duque III, ai Morales, at iba pang top-ranking officials ng ahensya dahil sa misuse ng mga pondo sa ilalim ng emergency cash advance measure. Kris Jose


  •  
  •  
  •  

Loading...