Head teacher patay sa pamamaril, pamangkin kritikal

Head teacher patay sa pamamaril, pamangkin kritikal

January 26, 2023 @ 9:26 AM 7 days ago


MAGUINDANAO DEL SUR- BLANGKO pa sa ngayon ang pulisya sa motibo sa pamamaril patay sa isang head teacher habang kritikal ang pamangkin nito matapos tambangan at pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek kamakalawa ng umaga sa lalawigang ito.

Kinilala ang biktimang si Benjie Maon, punong guro sa Mileb Elementary School sa sa Barangay Mileb, Rajah Buayan, at residente ng nasabing lugar.

Patuloy naman ginagamot sa ospital ang pamangkin nitong 5-anyos na batang babae matapos tamaan ng bala ng baril sa mukha.

Batay sa report ng Rajah Buayan Municipal Police Station, dakong 7:00 AM ng maganap ang krimen sa kahabaan ng national highway na sakop ng Sitio Nadal Barangay Barurao, Barongis Maguindanao del Sur.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo sakay ang pamangkin para pumasok na sana sa nabanggit na paaralan.

Subalit, pagdating sa nasabing lugar bigla na lamang silang pinagbabaril ng suspek saka mabilis na tumakas sa hindi malamang direksyon.

Tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan si Maon na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Nagpapatuloy naman ang ginawang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing krimen./Mary Anne Sapico