HEALING adyenda ibinida ni Rep. Tan  

HEALING adyenda ibinida ni Rep. Tan  

March 21, 2022 @ 1:28 PM 3 months ago


Manila, Philippines – Tuluyan nang nagpaalam si Quezon 4th District Rep. Helen Tan sa kanyang mga constituent sa pagtatapos ng kanyang termino na tumagal ng siyam na taon.

Sa kanyang ulat ng panunungkulan, ipinagmalaki ng kongresista ang kanyang Healing adyenda, pagtugon sa COVID-19.

Ang kanyang HEALING adyenda ay kumakatawan sa plataporma de gobyerno para sa Health, Education, Agriculture, Livelihood, Infrastructure, Nature and Environment/Tourism, at Good Governance na nakatakdang nitong palawakin sa kanyang pagtakbo bilang gobernador ng Quezon Province.

Naging mainit ang pagtanggap ng higit dalawang libong katao na dumalo sa pagtitipon at FB Live kasama ang mga board member ng Sangguniang Panlalawigan, mga mayor, at iba pang opisyal ng mga lokal na pamahalaan kasama ang iba pang mga panauhin mula sa national government at pribadong sektor.

“Sa kabuuan, higit P26 bilyon piso na halaga ng mga programa at proyekto sa ilalim ng ating HEALING agenda ang ating pinagsikapang ilaan upang lapatan ng kaagarang lunas ang iniindang sakit ng ating distrito at lalawigan,” ayon kay Tan, chairperson ng House committee on health.

Binigyang diin ni Tan ang pandemic response ng kanyang tanggapan kung saan umabot sa tinatayang 700,000 food packs kasama ng halos 18,000 mga bitamina at gamot ang naipamigay sa mga tinamaan ng pandemya.

Tampok sa kanyang report ang 115 na mga batas na kanyang isinulong kung saan 37 dito ang kanyang prinsipal na iniakda na kinatatampukan ng Universal Health Care Act, Tuberculosis law, Mandatory PhilHealth Coverage for Senior Citizens, at Doktor Para sa Bayan Act kasama ang pagtatayo ng Southern Luzon Multi-Specialty Medical Center sa Barangay Potol, Tayabas City.

Tinukoy rin ng mambabatas ang may 85 panukalang batas na naipasa ng committee on health ng Kamara sa ilalim ng kanyang pamumuno sa loob ng anim na taon na kinatatampukan ng mga landmark national health reform laws at pagtatayo at pagpapaaayos ng mga ospital sa iba’t ibang lugar sa bansa.

“Sa pagtatapos ng isang makasaysayang kwento ng pakikipagbalikatan na naging makabuluhan bunsod ng maraming buhay na ating natulungan, mga proyektong nagbigay sigla sa mga komunidad, at mga kaaya-ayang pagbabagong naganap dito sa ating distrito, inaanyayahan ko ang lahat na ating pasimulan ang panibagong kabanata ng pakikipagbalikatan upang maiahon ang mas marami nating mga kababayan sa Lalawigan ng Quezon sa kanilang pagkakalugmok sa kahirapan”, sinabi pa ni Tan.  MELIZA MALUNTAG