HEALTH AND SAFETY SA “WALLED CITY OF MANILA”

HEALTH AND SAFETY SA “WALLED CITY OF MANILA”

July 7, 2022 @ 10:41 AM 1 month ago


SA nakaraang administrasyon ni former President Rodrigo Roa Duterte, totoong nabawasan ang bilang ng krimen at napaganda ang mga tourist spot kahit pa nasa ilalim tayo ng pandemya.

Isa sa mga nakinabang na komunidad at tuluyan pang gumagandang tourist attraction ang Intramuros o tinaguriang “Walled City of Manila.”

Malapit sa ating puso ang Intramuros dahil naging parte ang lugar sa buhay at kasaysayan ng inyong lingkod.

Nagtapos po tayo ng kolehiyo sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila na ikinukubli ng mga pader na gawa sa adobeng itinayo noong panahon ng pananakop ng mga Kastila.

At matapos ang ating pangingibang-bayan, ibinalik tayo sa lugar upang magsulat sa pahayagang Remate at maging aktibong miyembro ng National Press Club of the Philippines.

Nakalulungkot lang na may ilang unsafe act at unsafe condition tayong naobserbahan sa paligid ng makasaysayang lugar. Tulad na lang ng mga naninigarilyong bystander at tsuper ng jeepney, pedicab, kuliglig, taxi at iba pa na mukhang nakalimutan yata ang pagbabawal.

May ilang empleyado at turistang nagtatapon ng balat ng kendi at wrapper ng kanilang kinakain.

Hindi naman siguro lingid sa kaalaman ng ating mga kababayan na magdudulot ito ng baha at polusyon.

Isa pang problema sa walled city ang matinding problema sa trapiko dahil sa mga nakabalandrang mga sasakyan sa kalye. Gayundin ang posibleng aksidente sa daan dahil sa madalas na overspeeding ng mga driver.

Sana sa pagpili ni PBBM ng bagong administrador ng Intramuros, maikonsidera ang masipag, matalino at masigasig na si Dr. Jovertlee Pudan. Sanay at eksperto si Dr. Pudan sa Environmental Planning at Occupational Safety and Health.

Malaki ang ating paniniwalang magagampanan niya ang trabaho bilang isang dalubhasa na may pagmamalasakit at handang maglingkod ng tapat para sa komunidad ng “Walled City of Manila.”