Health facilities sa CALABARZON, handa vs. nCoV

Health facilities sa CALABARZON, handa vs. nCoV

February 5, 2020 @ 3:01 PM 1 year ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Inihahanda na ng Department of Health (DOH) ang mga health facilities na may isolation rooms sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) na pagdadalhan ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV ARD) patients sa rehiyon.

Ang pagtiyak ay ginawa ni Regional Director Eduardo Janairo, sa ginanap na ‘Regional Preparedness and Response Meeting for the Prevention of the Novel Coronavirus (2019-NCoV ARD) kamakalawa.

Ayon kay Janairo, kasama na rito ang mga pribadong pagamutan na may isolation wards.

“In line with Secretary Duque’s directive to attend to all suspected nCoV patients seeking consultation and treatment, all public health facilities in the region with isolation rooms are now prepared and ready to accept patients who will be suspected or confirmed with the nCoV infection,” aniya pa.

“This is everybody’s concern kaya kailangan na nating magtulong-tulong. We have to maximize our efforts and utilize everything that we need to prevent the spread of the virus.”

Sa naturang emergency meeting na pinangunahan ni Janairo, naglatag sila ng mga istratehiya para sa unified preparedness at response plan, risk communication plan kabilang ang case detection at referral system ng mga person under investigation (PUI) at suspected cases, gayundin ng prepositioning at daloy ng mga kakailanganing logistics sa iba’t ibang Provincial DOH Offices, Provincial Health Offices (PHOs), City Health Offices (CHOs) at mga piling pagamutan sa Cavite, Laguna, at Batangas Province.

Ani Janairo, dapat ring bantayan ang mga ‘entry at exit’ ng virus, kabilang dito ang mga kolehiyo at unibersidad dahil mayroon umanong dayuhang estudyante na nagmumula sa ilang bansa na positibo sa nCoV.

Kasama rin aniyang babantayan ang mga pabrika dahil ang Calabarzon ang industrial gateway kung saan marami ang mga investment lalo na sa probinsya ng Laguna at Cavite, kung saan ay maraming kumpanya nap agma-may-ari ng mga dayuhan.

“Atin ding babantayan ang mga tourist spots lalo na sa Tagaytay kung saan malamig ang klima at mabubuhay ng mas matagal ang virus. These are the things we should take care of including ourselves as health workers. We need to take all the necessary precaution and information on how protect ourselves against the virus,” pahayag pa ng regional director.

“Napakaimportante na nagkakaintindihan tayo at alam natin ang ating gagawin. This is not the concern of the regional office and the DOH alone, it is the responsibility of all Filipinos upang hindi tayo maunahan sa pagkalat ng 2019 – novel corona virus.”

Binigyang-diin ni Janairo na isa sa pinakamahalaga at epektibong interventions sa public health response sa 2019-nCoV ay ang aktibong ipabatid ang mga bagay na batid na, hindi pa batid, at kung ano ang mga ginagawa upang makakuha ng higit pang impormasyon, na ang layunin ay magligtas ng buhay at i-minimize ang mga adverse consequences nito.

Sinabi ng health official na ang lahat ng sinisipon ay may corona virus dahil ang virus na ito ang sanhi ng sipon natin.

“It’s not necessarily na galing ito sa paniki gaya ng nakita nila sa China,” aniya pa.

Ang pinakamabuti aniyang gawin upang makaiwas sa virus ay ugaliing maghugas ng kamay bago at pagkatapos kumain gamit ang sabon at malinis na tubig.

“Make good hygiene practices a habit to prevent the spread of any disease,” paalala niya.

Nagbigay rin siya ng ilan pang mga tips na dapat gawin upang maiwasan ang pagkalat ng impeksiyon gaya ng pagkuha ng akmang bakuna, pananatili sa tahanan kung may sakit upang hindi makahawa ng iba pa, huwag makigamit ng kubyertos, tasa, baso at iba pang gamit, minsan lamang gamitin ang mga tissue kung uubo at babahing at hugasan ang kamay matapos ito.

Hindi rin umano dapat na hawakan ang mata, ilong at bibig dahil sa ganitong paraan naisasalin ang mga germs at virus sa katawan ng isang tao.

Nabatid na kabilang sa sintomas ng mga pasyenteng may virus ay pagkakaroon ng lagnat, ubo, pangangapos at hirap sa paghinga.

Sa malalang kaso naman, nagkakaroon ng pneumonia, severe acute respiratory syndrome, at kidney failure. Macs Borja

 

 


  •  
  •  
  •