Health insurance policy sa mga estudyante, oks kay Eleazar

Health insurance policy sa mga estudyante, oks kay Eleazar

May 2, 2022 @ 4:43 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Naghayag ng suporta si senatorial candidate Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar para sa panukalang bumuo ng health insurance policy para sa mga estudyante.

Ayon kay Eleazar, malaki ang maitutulong ng panukala upang matiyak ang kalusugan ng mga estudyante lalo ngayo’t di pa tapos ang COVID-19 pandemic.

“Suportado ko ang pagbibigay ng health insurance sa mga estudyante lalo na sa kabila ng pandemya o health emergency. Kailangan din ito lalo na’t binabalak na iexpand pa ang face-to-face classes kaya’t mas marami na ring estudyante ang papasok sa mga paaralan. Nangangahulugang kailangan ng dagdag proteksyon sa kalusugan ng ating mga mag-aaral lalo na ‘yung hindi pa sakop ng insurance ng kanilang mga magulang,” aniya.

Una dito, sinabi ni Commission on Higher Education chairperson Prospero De Vera na nakipagpulong na ang kanyang tanggapan sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease at mga opisyal ng iba-ibang unibersidad para talakayin ang health insurance policy.

“Ilalaban ko sa Senado ang pagkakaroon ng malaking pondo para mabigyan ng health insurance ang mga estudyante. Alam nating hindi magma-materialize ang programang ito kung hindi sapat ang pondong ilalaan para dito,” sabi naman ni Eleazar.

Maaari aniyang tustusan ang insurance policy sa pamamagitan ng karagdagang pondo para sa Department of Health at Department of Education.

Dapat aniyang alamin ng Department of Budget and Management kung saan naman maaaring hugitin ang naturang pondo.

“Naniniwala akong dapat maging prayoridad ang health insurance policy lalo para sa mga estudyante lalo na’t hindi pa tayo ligtas sa banta ng coronavirus. Alam din nating hindi ito ang huling pandemya na kakaharapin ng ating bansa,” ani Eleazar.

Kabilang sa mga pangunahing isinusulong ni Eleazar sa kanyang kandidatura ang pagtiyak at pagprotekta sa kalusugan ng bawat Pilipino.

Balak niya ring bigyan ng health insurance ang barangay workers, mass transport drivers at riders, at mga security guard. Jan Sinocruz