Health program, isasama na sa school curriculum

Health program, isasama na sa school curriculum

September 9, 2019 @ 2:14 PM 1 year ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Pinag-aaralan nang maisama sa school curriculum ng junior at senior high ang programang pangkalusugan ng Department of Health (DOH)-CALABARZON (Cavite Laguna Batangas Rizal Quezon).

Sa isang pulong sa “Intersectoral Meeting in Co-creating an Effective School Health Program in Calabarzon” sinabi ni DOH-CALABARZON Regional Director Eduardo Janairo na malaking epekto at maitutulong sa ating public education system kung sa murang edad pa lamang ay maisasama na ang programang pangkalusugan sa mga bata.

Kung maaga aniyang maituturo ang health literacy program sa mga bata ay maiiwasan ito ang health risk behavior, at lifestyle-related diseases dahil mas marami ang nailalaan nilang oras sa loob ng eskuwelahan.

“To achieve health literacy, effective health education programs must be introduced at an early age because cognitive, physical and emotional development including health-related behaviors and skills development take place at this time” ayon kay Janiaro.

“Mas magkakaroon ng malaking epekto kung ito ay masisimulan ng maaga. At malaki ang maitutulong ng ating public education system, particular na dito ang paglalagay ng health literacy interventions sa school curricula kasama na dito ang tamang pagpopondo.”

Ayon pa kay Janairo, responsibilidad na mabigyan ng tamang edukasyong pangkalusugan ang mga batang mag-aaral upang sila ay lumaking may tamang karunungan at kaalaman sa tamang pangangalaga ng kanilang katawan. Kasama na dito ang patnubay ng kanilang mga magulang.

Sa nasabing programa ng DOH kasama ang Department of Education (DepEd), ituturo ang ilang mga sakit na dapat iwasan kabilang ang pagkalat ng mga communicable diseases, tamang healthy life-style, physical activity, tamang nutrition at pag-iwas sa paninigarilyo at pag-inum ng alak para sa mga kabataan. Jocelyn Tabangcura-Domenden


  •  
  •  
  •