Health protocol, sundin sa pagkuha ng educational cash aid – Malakanyang

Health protocol, sundin sa pagkuha ng educational cash aid – Malakanyang

August 22, 2022 @ 1:28 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nanawagan ang Malakanyang sa  mga kukuha ng tulong pang-edukasyon mula sa DSWD na manatiling i-obserba ang protocol na itinatakda para makaiwas sa COVID-19.

Ang panawagan na ito ni  Press secretary Trixie Cruz- Angeles ay gitna ng magpapatuloy na pamamahagi ng nasabing cash assistance para sa mga estudyante sa mga susunod pang Sabado o hanggang Setyembre 24, 2022.

Muli namang hinikayat ni Cruz-Angeles ang mga kinauukulan na hanggat maaari’y idaan na lamang sa on line appointment ang pagke-claim gaya ng una na ring ipinanawagan ng DSWD.

Puwede rin aniyang magpa-book sa pamamagitan ng e-mail address [email protected]

Samantala,  balik trabaho na si Cruz-Angeles matapos na tamaan ng COVID 19 at makumpleto ang required number of days of isolation.

Nag-negatibo na kasi ang resulta sa Covid 19 test si Cruz-Angeles.

Aniya, sumailalim siya RT-PCR test, araw ng Linggo kung saan lumabas nga na negatibo siya sa coronavirus.

At nang tanungin kung tapos na siya sa kanyang isolation, ang sagot ni Cruz Angeles ay, “Yes. Upon doctor’s advice, I took my RT-PCR, seven days after the initial test, and after my isolation.”

Matatandaang nag-positibo si Cruz-Angeles sa Covid 19 noong Agosto 15, 2022. ang panawagan nito sa publiko ay magpabakuna at magpa-booster shot.

Samantala, pinaalalahanan din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga guro at mga mag-aaaral na patuloy na i-obserba ang minimum health protocols  upang  matiyak na mananatili silang malusog  habang natututo ng mga bagong bagay.

Ito’y sa gitna na rin ng nananatiling banta pa rin ang COVID-19 sa bansa.

Nauna rito, winelcome ni Pangulong Marcos Jr. ang pagbabalik-eskuwela ng mga kabataan sa full face-to-face classes.

Ito’y matapos ang dalawang taon na  online learning dahil sa pandemiya.

“It has always been my belief that learning will be more effective inside classrooms where students fully interact with their teachers and fellow students,” ayon sa Pangulo.

Samantala, kumpiyansa naman ang Chief Executive kay Vice-President at DepEd Secretary Sara Duterte na sa pangunguna nito sa ahensiya ay maibibigay ng gobyerno ang quality education  na hinahangad ng mga magulang para sa kanilang mga anak.

Kaugnay ng umiiral ng pagbabalik ng in-person classes sa gitna ng pandemya, malalaman sa susunod na dalawang linggo kung may malilikha itong epekto sa transmission ng COVID-19 virus.

Sa Laging Handa public briefing, tinuran  ni Infectious Disease Expert Dr. Edsel Salvana na hindi naman maipagkakaila na posibleng muling magkaroon ng pagtaas sa mobility ng mga tao ngayong balik-eskuwela  na ang mga estudyante.

Hindi aniya malayong may mahawa kapag nadagdagan ang mga lumabas na mamamayan kaya’t kinakailangan pa rin ayon kay Salvana na ipagpatuloy ang minimum health protocol.

Sa kabilang dako, isang magandang desisyon ayon kay Salvana  na napagpasiyahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na panatilihin muna ang State of Public Health Emergency.

Masasabing “good idea” aniya ito dahil nananatili  ang safeguards ng gobyerno sakali mang tumaas nga ang kaso ng COVID-19. Kris Jose