Health Sec. Duque III, ikinatuwa ang paglagda ng pangulo sa Philippine Mental Health Law

Health Sec. Duque III, ikinatuwa ang paglagda ng pangulo sa Philippine Mental Health Law

June 22, 2018 @ 2:24 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Pinasalamatan ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III si Pangulong Rodrigo Duterte matapos na lagdaan na ang Philippine Mental Health Law kamakalawa.

Labis na ikinagagalak ng kalihim ang pagkakasabatas ng Republic Act 11036 na titiyak na maipagkakaloob ang pangangailangan at mga karapatan ng mga taong nangangailangan ng mental health care.

“The DOH thanks President Duterte for signing the law and all members of both Houses of Congress for facilitating the whole process, and the mental health professional groups who labored tirelessly for decades to have this law passed,” ayon naman kay Duque.

“This demonstrates the seriousness of the government and its partners to uplift the mental health of the population and ensure the welfare and rights of those with mental, neurological and substance use disorders,” aniya pa.

Nabatid na layunin ng naturang batas na mapagkalooban ng mental health services ang mga taong nangangailangan nito, mula sa barangay level pa lamang, at pagkaisahin ang mental health at wellness programs sa mga komunidad.

Layunin rin nitong paghusayin pa ang mga mental health facilities sa bansa at isulong ang mental health education sa mga paaralan at workplaces.

Inaasahang magiging bahagi rin ng national mental health program ang mga mekanismo para sa suicide intervention, prevention, at response strategies, partikular na sa mga kabataan.

Bukod sa mga indibidwal na nakakaranas ng mental health problem, inaasahang makikinabang rin sa naturang batas ang kanilang mga pamilya, careers at appointed legal representatives.

Nakasaad rin naman sa batas ang pagbuo ng Philippine Council for Mental Health (PCMH) na siyang mamamahala sa implementasyon ng batas.

Bubuuin ito ng kalihim ng DOH bilang chairperson; at mga kalihim ng mga Departments of Education, Labor, Interior and Local government, Chairpersons ng Commission on Human Rights at Commission on Higher Education;  at mga kinatawan mula sa academe/ research, medical o health professional organizations; at non-government organizations.

Anang DOH, ang budget na gagamitin para sa operasyon nito ay inisyal na kukunin mula sa 2018 DOH budget, at mula sa National Expenditure Program, base sa General Appropriation Bill naman, para sa mga susunod na taon. (Macs Borja)