Health services ng PNP, mas pagbubutihin

Health services ng PNP, mas pagbubutihin

August 2, 2018 @ 5:39 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Committed si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pagpapabuti ng health services para sa Philippine National Police (PNP).

Ani Special Assistant to the President (SAP) Christopher ‘Bong’ Go, nais ni Pangulong Duterte na matiyak na mayroong patas na pagtrato sa hanay ng militar at kapulisan pagdating sa usapin ng medical services at assistance na natatanggap ng mga ito.

“Sinabi ni Pangulong Duterte na kung ano ang naibigay sa AFP, iyong pag-improve ng Veterans Hospital, iyon din ang ibibigay sa PNP Health Services,” ayon kay SAP Go.

Siniguro ni Go na magkakaroon ng pinabuting pasilidad at modernized PNP General Hospital, matapos nilang bisitahin ni Pangulong Duterte ang nasabing ospital.

Binanggit din ni Go na aalamin niya ang kasalukuyang status ng development ng Medical Facility sa Camp Panopio.

Tinalakay naman kapwa nina Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde at Go ang mga kakulangan sa PNP na mayroon na ang Armed Forces of the Philippines (AFP).

“Tutungo po kami sa hospital. Initially, napag-usapan na po namin ni General Albayalde including his wife yung mga pagkukulang po; at sabi po ng ating pangulo kung ano yung nabibigay ko sa mga armed forces, sa mga militar, ibibigay ko rin po sa kapulisan yung mga pagkukulang ko,’ aniya pa rin.

Batid naman ng lahat na prayoridad ni Pangulong Duterte ang kapulisan at military dahil prayoridad niya ang kapayapaan at kaayusan sa bansa.

Hindi naman aniya kaila sa lahat ang naging pangako ng Punong Ehekutibo noong kampanya na tataasan niya ang base pay ng mga pulis.

“The promise that he had in 2016, even without the unforeseen wars and conflicts that happened under the Duterte administration,” anito.

Samantala, binigyang diin ni Go na labis na pinahahalagahan ni Pangulong Duterte ang kapulisan at military dahil ang mga ito ang front-liners upang masiguro ang kapayapaan at kaayusan sa bansa. (Kris Jose)