Health workers na magbibigay ng COVID booster shot, parurusahan

Health workers na magbibigay ng COVID booster shot, parurusahan

July 12, 2021 @ 4:48 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Matapos na aminin ng isang mambabatas na nakatanggap siya ng apat na turok ng booster shot para sa COVID-19 vaccine, ay binalaan ng Department of Health ang sinomang health worker na magtuturok nito.

Pinaalalahanan ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang mga doktor at health workers na ang iginawad na vaccine emergency use authorization (EUA) mula Food and Drug Administration ay hindi kinabibilangan ng pagtuturok ng booster shot.

“Kung ano ang nasa EUA, yan ang magiging gamit ng bakuna. Mag-ingat tayo dahil kapag may violations sa ganito, maaaring magkaroon ng sanctions,” ayon kay Vergeire.

Ang babala ay matapos aminin ni San Juan Rep. Ronaldo Zamora na nakatanggap siya  ng dalwang Pfizer booster shot matapos na makumpleto ang Sinopharm vaccine.

Hanggang sa ngayon ay pinaninindigan ng DOH na hindi pa rin nila nirerekomenda ang booster shot dahil sa kakulangan ng suplay ng bakuna at solidong ebidensya na nakatutulong ito na protektahan ang publiko.

“Sana isipin natin na hanggang wala pang ebidensya ang booster shots na ito, bigyan natin ng kumpyansa ang ating mga bakuna. Lumalabas na sa ngayon, ang real world studies na ang lahat ng ginagamit na bakuna dito sa ating bansa ay effective against hospitalizations, ICU admissions, and deaths and even effective against symptomatic infections,” ayon sa DOH spokesperson. RNT