Health workers sa pinaikling COVID quarantine: ‘Hindi kami imortal’

Health workers sa pinaikling COVID quarantine: ‘Hindi kami imortal’

January 11, 2022 @ 8:30 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Pinalagan ng Alliance of Health Workers (AHW) at and Filipino Nurses United (FNU) ang bago at pinaiksing quarantine protocol para sa mga magpopositibong fully vaccinated, at asymptomatic sa COVID-19 at magiging close contact na health workers.

Noong nakaraang linggo nang ianunsyo ng Inter-Agency Task Force na limang araw na lang ang quarantine days ng mga nasabing health worker mula sa dati na sampung araw.

“Itong shortened quarantine period marami talaga nag protesta on the ground kasi hindi talaga ito safe at nagiging convenient excuse lang ito sa ating gobyerno na instead mag augment ng manpower dahil shortage ng nurses at hospital staff,” ani FNU Vice President Eleonor Nolasco sa CNN Philippines.

Giit niya na maraming health workers ang hindi masaya sa nasabing direktiba na ikinasa para masolusyunan ang kakulangan ng staff sa mga ospital matapos na sumirit ang COVID-19 cases sa bansa dahil maging ang mga health worker ay nasasapul na rin ng virus.

Ani Nolasco, umabot na sa halos 500 mga nars ang nagka-COVID sa kasalukuyang surge. Giit nil ana mas gusto nilang magpahinga kaysa magtrabaho at makapanghawa pa ng ibang mga katrabaho o pasyente.

“Sa ngayon talagang overwhelmed ang ating nurses sa ating forefront talagang nararamdaman ang atake ng virus lalo nat marami nang nagkakasakit. Dapat mag set up ng protective at safety measures hindi pwedeng lagi silang ginagawang bala sa tuwing may surge,” aniya pa.

Sa kabilang banda, pinalagan naman ni Alliance of Health Workers leader Robert Mendoza ang nasabing direktiba at ipinaalala na kahit asymptomatic na pasyente ay nakahahawa pa rin ng virus.

“Nakakagalit po kasi hindi naman kami immortal. Ang health workers tao rin kami mga health workers at hindi namin maintidihan bakit magkaiba ang distinction ng health workers sa general public eh magkasama naman tayo riyan,” ani Mendoza.

“Bibigyan ng 10 days ang mamayan. Ang health workers bibigyan ng 5 days. Anong pagkakaiba ng kalusugan namin,” aniya pa.

Samantala, pinangatwiranan naman ni Health Undersecretary Leopoldo Vega ang direktiba at sinabing mula ito sa alituntunin ng United States’ Centers for Disease Control and Prevention.

Pero, nilinaw niya na nasa pamunuan pa rin ng ospital ang desisyon kung susundin ito.

“Sinasabi naman namin sa hospital institutions na dependent ‘yan sa ano ang recommendation ng kanilang hospital and infection control committee,” ani Vega. “Kung sasabihin naman ng infection control committee nila na talagang pwede na itong tao na, kasi asymptomatic, magbalik sa trabaho, eh pwede.” RNT