HEALTHCARE WORKERS ‘WAG PABAYAAN-BONG GO

HEALTHCARE WORKERS ‘WAG PABAYAAN-BONG GO

January 19, 2022 @ 9:03 PM 7 months ago


MULING nanawagan si Senate committee on health chairman, Senator Christopher ‘Bong’ Go sa mga ahensya ng pamahalaan na siguraduhing nabibigyan ng solusyon ang suliranin ng mga healthcare worker lalo’t kabilang sila sa mga sundalong nangunguna sa ating laban kontra COVID-19.

Bilang tagapagtaguyod ng mga programa at inisyatibong pangkalusugan sa Senado, isinulong at sinuportahan ni Sen. Go ang iba’t ibang inihaing panukalang batas at hakbang na makapagbibigay ng insentibo at makapagpapagaan ng pasanin ng mga HCW sa panahon ng pandemya.

Nariyan ang pamamahagi ng special risk allowance para sa kanila at dagdag-pondo para sa Department of Health para sa 2022 kung saan nakapaloob ang budget para sa pagkuha ng karagdagang HCWs na kailangan sa mga panahong ito.

Talagang mataas ang pagpapahalaga ni Sen. Go sa ating HCWs dahil batid nitong hindi biro ang kanilang sakripisyo at dedikasyon sa trabaho na malaking tulong sa bayan lalo ngayong muling tumaas ang bilang ng COVID-19 cases sa bansa.

Magandang bagay nga’t sa kabila ng pagtaas ng mga kaso ay nasasaksihan din natin ang pagiging epektibo ng mga bakuna laban sa pagkakaroon ng malubhang sintomas ng COVID-19.

Malaking bilang kasi ng porsyento ng mga may COVID-19 ngayon ay mild to moderate lang ang mga sintomas at hindi na nangangailangan pa ng atensyong medikal sa pagamutan. Patunay na hindi nagkamali ang pamahalaang isulong at bigyang prayoridad ang pagbabakuna sa bansa.

Sa kabila naman nito, tama rin ang panawagan ni Sen. Go na panatilihin pa rin ang pag-iingat laban sa COVID-19 kahit pa kumpleto na ang dosage ng natanggap na bakuna dahil nananatili pa rin naman ang banta ng nakahahawang sakit.

Sa huli, tunay ngang ang pagtutulungan ng pamahalaan at ng sambayanang Pilipino ang siyang maghahatid sa atin ng tagumpay sa sama-sama nating pakikipaglaban sa COVID-19.