Heart relic ni St. Padre Pio, nasa UST na

Heart relic ni St. Padre Pio, nasa UST na

October 8, 2018 @ 2:52 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Kasalukuyan nang nasa University of Santo Tomas (UST) sa Sampaloc, Manila ang ‘incorruptible’ heart relic ng mapaghimalamang si St. Padre Pio.

Bago magtanghali nitong Lunes nang idating sa naturang unibersidad ang heart relic, mula sa national shrine ni St. Padre Pio sa Sto. Tomas, Batangas.

Ayon kay Rev. Father Jojo Gonda, rector ng national shrine of St. Padre Pio,  mananatili sa UST ang heart relic hanggang Martes, bago tuluyang ilipat sa Manila Cathedral sa Intramuros, Manila kung saan ito mananatili hanggang Oktubre 11 para naman sa public veneration.

Bukod sa Luzon, nakatakda ring ilibot sa Visayas at Mindanao ang heart relic, at saka muling ibalik sa national shrine sa Batangas.

Matatandaang noong Oktubre 5, Biyernes, nang dumating sa bansa ang heart relic.

Inaasahang mananatili ito sa Pilipinas hanggang sa Oktubre 26, bago tuluyang ibalik sa Italya.

Kaugnay nito, masaya namang ibinalita ni Gonda na napakaraming taong nagdatingan sa shrine bago pa man idating doon ang heart relic.

“Napakagrabe. Madaling araw pa lang nandito na mga tao. Actually October 5 pa lang ng hapon nagdatingan na mga tao dito at sinalubong nila ‘yung dating ng puso ni Father Pio as early as 1 in the morning. Napakaraming tao hanggang kahapon,” kwento niya, sa panayam sa radyo.

Nang ilipat sa UST ang heart relic ay sinalubong rin aniya sila doon ng mga pari at relihiyoso. Macs Borja