Heightened security sa QC schools ipinag-utos ni Belmonte

Heightened security sa QC schools ipinag-utos ni Belmonte

January 29, 2023 @ 10:10 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ipatutupad ang mas mahigpit na security measures sa lahat ng pampublikong paaralan sa Quezon City kasunod ang nangyaring pananaksak ng isang estudyante sa kapwa-estudyante sa Culiat High School kamakailan.

“While we consider this an isolated case, the incident underscored the need to come up with additional security interventions in our public learning institutions,” pahayag ni Mayor Joy Belmonte nitong Sabado, Enero 28.

Dagdag pa ng alkalde, magkakaroon din ng random security checks sa mga paaralan bilang bahagi ng security measure upang mapanatili ang seguridad ng mga guro at mga estudyante.

Inilabas ni Belmonte ang kautusang ito kasabay ng consultative meeting kasama ang mga opisyal ng iba’t ibang departamento at stakeholders ng lungsod kabilang ang Quezon City Police District (QCPD), Social Services and Development Department (SSDD), Schools Division Office (SDO), Education Affairs Unit (EAU), Office of the Assistant City Administrator for Operations, QC Public School Teachers Association, QC Parent-Teachers Association, Northcom Security and Investigation Agency at mga opisyal ng barangay.

“Kailangan nating paigtingin ang seguridad sa ating mga paaralan upang hindi na maulit pa ang insidente na nangyari sa Culiat High School,” pagdidiin niya.

Para naman sa Department of Public Order and Safety, ipasisiguro nila sa mga pampublikong paaralan na mayroon dapat na contingency at crisis management plans ang mga ito na palagiang sinusunod.

Maliban dito, maglalagay din ng karagdagang CCTV cameras sa mga paaralan, magsasagawa ng values formation program at karagdagang mga guidance counselors sa mga pampublikong paaralan bilang bahagi pa rin ng preemptive measures.

Dagdag pa, ipinag-utos din ni Belmonte sa mga barangay na magsagawa ng programa para sa mga out-of-school youth (OSY) na karaniwang sangkot sa mga insidente ng children in conflict with the law (CICL).

Batay sa datos ng QCPD, karamihan sa mga krimen sangkot ang mga bata noong nakaraang taon ay panggagahasa at pagnanakaw.

Ayon pa sa ulat, 87.5 percent ng mga krimen na ito ay nasa edad 15 hanggang 17 taong gulang. RNT/JGC