Heinous crime convicts sa Bilibid ililipat ni Remulla sa OccMin jail

Heinous crime convicts sa Bilibid ililipat ni Remulla sa OccMin jail

July 19, 2022 @ 11:17 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Plano ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin C. Remulla na ilipat sa Sablayan Prison and Penal Farm (SPPF) sa Occidental Mindoro ang persons deprived of liberty (PDLs) sa maximum-security compound ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.

Ang mga PDL na nakakulong sa maximum-security compound ng NBP ay ang mga hinatulan ng mga karumal-dumal na krimen.

“Tiningnan ko ang Sablayan. Marahil angkop ito sapagkat sa kanyang lokasyon, sa kanyang layo, sa laki ng lupa,” ani Remulla sa kanyang pagbisita sa Bureau of Corrections (BuCor) headquarters sa NBP compound.

“Marahil panahon na tingnan natin ang iba’t ibang resources ng BuCor para mailagay sa tama ang lahat,” punto pa niya.

Bago ang kanyang panunungkulan bilang justice secretary, sinabi ni Remulla na binisita niya ang SPPF bilang isang posibleng lugar kung saan maaaring ilipat ang mga bilanggo ng maximum- security compound ng NBP.

“Marahil talagang panahon na ilayo talaga ang maximum security para hindi na ito pagpiyestahan ng marami pang maiitim ang balak,” giit niya.

Samantala, sinabi ni Remulla na nakipag-usap na siya kay BuCor Director General Gerald Q. Bantag para limitahan ang mga komunikasyong nagaganap sa loob ng mga pasilidad ng bilangguan.

“Kailangan ang communications ay limitadong limitado na at tayo mismo ang magsakripisyo, wala muna tayong paggamit ng telepono sa ating mga trabaho sapagkat yan po ay temptation,” aniya pa.

Ipinaliwanag niya na ang mga tauhan ng bilangguan ay maaaring alukan ng pera ng mga bilanggo upang makakuha ng access sa mga telepono.

Hinimok niya ang mga opisyal at tauhan ng BuCor na makipagtulungan sa mga pagbabagong plano niyang ipatupad sa bureau.

“Malakas ang aking loob na makakaya naman natin ang mga repormang nais nating ipatupad, hindi lang dito sa BuCor kundi sa iba’t ibang sangay ng Department of Justice na ating pinangangunahan.” RNT