Helicopter, eroplano, kailangan sa pagbyahe ng pagkain sa Polillo – Tulfo

Helicopter, eroplano, kailangan sa pagbyahe ng pagkain sa Polillo – Tulfo

September 26, 2022 @ 2:54 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kailangan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga air assets katulad ng helicopter o eroplano upang maibyahe ang mga pagkain at iba pang relief items sa Polillo Islands, Quezon at Catanduanes.

Ito ang inihayag ni DSWD Secretary Erwin Tulfo ngayong Lunes, Setyembre 26 kasabay ng press briefing ng NDRRMC kasama si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“May mga ilang problems lang po kami. We need their assets,” ani Tulfo.

Inabisuhan naman na ng Kalihim si Department of National Defense officer-in-charge Jose Faustino Jr. para sa paghihiram ng ahensya ng helicopter o eroplano.

“Hindi pa po nakakababa ‘yung regional director ko doon. We will be flying after this meeting,” sinabi ni Tulfo kay Marcos.

Dagdag niya, ang pinakamalapit na storage facility sa Polillo Islands at Catanduanes ay matatagpuan pa sa mainland Quezon province kung kaya’t kakailanganin talaga ng air assets para rito.

Siniguro naman ng DSWD na sapat ang suplay ng pagkain na maibibigay sa mga evacuees sa loob ng dalawang linggo. RNT/JGC