Helicopter gamit pagtakas, hiling ng hostage-taker ni De Lima

Helicopter gamit pagtakas, hiling ng hostage-taker ni De Lima

October 9, 2022 @ 3:21 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nanghingi pa umano ng helicopter upang gamitin para makatakas sa preso ang tatlong persons under police custody (PUPCs) nang i-hostage nito si dating Senador Leila de Lima sa PNP Custodial Facility kaninang umaga, Oktubre 9.

Ito ang sinabi ni Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na kagyat nilinaw na ang layunin ng tatlong ito ay tumakas.

“Gusto kong iklaro sa mga nakikinig ngayon, itong tatlong ito ang target nila ay tumakas… Na-hostage si Senator. Tinalian at piniringan ang mata. Humihingi ng kung ano-ano, ng hammer, ng helicopter, et cetera,” ani Abalos sa panayam ng mga reporter sa Camp Crame, Quezon City.

Matatandaan umaga ng Linggo ay maghahatid lamang ng pagkain ang isang pulis na kinilalang si Police Corporal Roger Agustin nang saksakin ito ng tatlong preso gamit ang improvised na kutsilyo.

Kinilala ang mga ito na sina Arnel Cabintoy, Idang Susukan at Feliciano Sulayao Jr. na mga miyembro ng Abu Sayyaf ayon sa ulat.

Makalipas nito ay nakatakbo naman si Sulayao papunta sa selda ni De Lima at ginawa siyang bihag nito.

Ngayong araw, sa hiwalay na pahayag ay nagpaabot na ng mensahe si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na huwag nang hahayaan maulit pa ang ganitong insidente.

Ipinag-utos na ang malaliman imbestigasyon para rito. RNT/JGC