Helper itinumba ng kaalitan sa loob ng palengke sa Malabon

Helper itinumba ng kaalitan sa loob ng palengke sa Malabon

March 20, 2022 @ 12:15 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Patay ang isang helper matapos pagbabarilin ng matagal na niyang kaalitan sa loob ng isang palengke sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Agad binawian ng buhay sanhi ng tinamong tama ng bala sa likod ang biktimang si Gary Grape, 28 ng 119 Luna II St., Brgy., San Agustin.

Patuloy namang pinaghahanap ng pulisya upang maaresto ang suspek na kinilalang si Michael Delos Santos, 29, laborer ng 92 Taganahan St., Bagumbayan South, Navotas City.

Batay sa ulat nina PSSg Ernie Baroy at PCpl Renz Marlon Baniqued kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dakong alas-2 ng madaling araw, naglalakad ang biktima sa loob ng Malabon Central Market sa F. Sevilla St., Brgy., Tañong nang biglang sumulpot ang suspek na armado ng hindi mabatid na uri ng baril at walang sabi-sabing pinagbabaril siya sa likod.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon dala ang ginamit na baril habang naiwan naman ang duguan at walang buhay na katawan ng biktima.

Narekober ng rumespondeng mga tauhan ng SOCO sa pangunguna ni P/MAJ Sonny Boy Tepace sa crime scence ang apat na basyo ng bala at isang deformed bullet.

Sa pahayag sa pulisya ng ilang saksi, may matagal ng alitan ang dalawa at pinagbantaan ng suspek ang biktima na papatayin kapag mabigyan siya ng pagkakataon. Boysan Buenaventura