Helper malubha sa pamamaril sa Navotas

Helper malubha sa pamamaril sa Navotas

November 24, 2022 @ 12:20 PM 5 days ago


MANILA, Philippines – Nasa malubhang kalagayan ang isang helper matapos pagbabarilin ng isa sa tatlong hindi kilalang mga suspek sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala sa kanang kilikili ang biktima na kinilalang si Aries Dapitan, 28 at residente ng Brgy. San Rafael, Rodriguez Rizal.

Sa report ni PCpl Dandy Sargento kay Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging, habang naglalakad ang biktima, kasama ang saksing si Leo Salonga, 35, truck driver at residente din ng Brgy. San Rafael, Rodriguez Rizal sa Pier 5, Navotas Fish Port Complex, Brgy. NBBN dakong alas-8:30 ng gabi nang lapitan sila ng mga suspek.

Tinanong sila ng mga suspek ng “Mga taga saan kayo” saka sinimulan kapkapan na naging dahilan upang tumakbo ang biktima at ang saksi subalit, isa sa mga salarin ang naglabas ng baril at ilang beses silang pinaputukan.

Isinugod ang biktima sa nasabing pagamutan kung saan nadiskubreng may tama siya ng bala sa kanang kilikili.

Kaagad namang nagsagawa ng dragnet operation ang mga tauhan ng Sub-Station 3 ng Navotas police at nakipag-ugnayan sa mga tauhan ng Maritime police subalit, nabigo sila na maaresto at matukoy ang pagkakilanlan ng mga suspek. Boysan Buenaventura