Helper natabunan ng bulak, patay

Helper natabunan ng bulak, patay

January 25, 2023 @ 7:30 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Hindi na umabot ng buhay ang isang helper matapos na mabagsakan ng sako-sakong bulak habang ibinababa mula sa container truck sa Novaliches, Quezon City, Martes ng umaga, Enero 24.

Kinilala ang biktima na si Salic Polao Olama, 39 anyos, binata, helper, tubong Lanao Del Sur at residente ng No. 23 A Sarmiento St., Brgy. Sta Monica, Novaliches, Q.C.

Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong 10:30 ng umaga (January 24), nang maganap ang aksidente sa Care Products Inc. na matatagpuan sa Lot 5 Atlas Road, P. Dela Cruz St., Brgy. San Bartolome, Novaliches.

Sa imbestigasyon ni PCpl Nestor Ariz, magkatuwang na binuhat nina Olama at kasama niyang si John Lester Sabulao Aniano ang ilang bungkos ng mga produkto ng bleached cotton mula sa container truck nang bumigay ang mga nakahilerang sako ng produkto na tumitimbang na mahigit kumulang sa 180 kilograms at aksidenteng bumagsak sa ulo ng biktima.

Nang bumulagta at nawalan ng malay ang biktima ay isinugod ito ng kaniyang mga kasamahan sa Bernardino General Hospital, subalit idineklara na siyang dead on arrival dakong 10:50 ng umaga ni Dr. Reigner Fiesta, sanhi umano ng grabeng tinamong pinsala sa ulo.

Agad namang kinuha na ng mga kaanak ang bangkay ng biktima at dinala sa Islamic Mosque para agarang ilibing base sa kanilang tradisyon.

Nabatid na ang biktima ay halos apat na buwan pa lamang nagtatrabaho sa Care products Incorporated.

Nagsasagawa naman ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad at inaalam pa kung may papanagutan ang pinagtatrabahuhang kumpanya ng biktima sa nangyaring aksidente. Jan Sinocruz