Hepe ng CIDG-NCR, 12 tauhan nito sibak sa corruption allegations – PNP

Hepe ng CIDG-NCR, 12 tauhan nito sibak sa corruption allegations – PNP

March 17, 2023 @ 7:39 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Labing-tatlong police officers kabilang ang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR), ang inalis sa pwesto kaugnay ng alegasyon ng korapsyon sa hanay nila, sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes, Marso 16.

Ayon kay PNP spokesperson Police Col. Jean Fajardo, inalis sa pwesto si CIDG-NCR chief Police Col. Hansel Marantan upang bigyang-daan ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng kwestyonableng raid ng grupo na isinagawa sa Maynila.

“Nung makarating po ang police operatives sa area natyempuhan nila itong 13 individuals in the act, that prompted [authorities] to arrest them,” pagbabahagi ni Fajardo sa media briefing.

“With regard to Col. Hansel, he voluntarily offered na i-relieve na po muna siya pansamantala sa kanyang posisyon to [avoid] insinuation that he might influence yung gagawin investigation na gagawin sa kanyang tauhan,” dagdag pa niya.

Idinagdag ni Fajardo na ang ulat ng iregularidad sa operasyon ang nagtulak kay
CIDG director Brig. Gen. Romeo Caramat upang alisin din ang iba pang pulis na sangkot dito.

Hindi naman niya tinukoy kung anong mga iregularidad sa operasyon ang naitala ngunit kasalukuyan nang iniimbestigahan ng PNP ang naturang kaso.

Bilang tugon sa insidente, nagsagawa na ng pre-charge investigation ang PNP upang tukuyin ang criminal liability ng 13 police personnel, at posibilidad ng administrative culpability.

Kasalukuyan silang nasa holding and administrative unit ng CIDG para sa pending investigation.

Samantala, siniguro naman ni Fajardo sa publiko na magpapatuloy ang internal cleansing efforts ng PNP at paparusahan ng naaayon ang mga gumagawa ng kasalanan. RNT/JGC