Hepe ng traffic ng Maynila natutulog sa Pansitan

Hepe ng traffic ng Maynila natutulog sa Pansitan

January 23, 2023 @ 1:39 PM 4 days ago


GRABE ang inabot na hirap ng mga nag-take ng entrance examination ng University of Sto. Tomas kahapon dahil sa pagiging pabaya ng hepe ng Manila Traffic and Parking Bureau at Manila Police District Traffic Enforcement Unit. 

Bakit nasabing pabaya ang mga hepe ng traffic? 

Kasi naman sa dami ng kalye na nakapaikot sa UST, aba’y nagsiksikan pa ang mga sasakyan sa mga kalye ng Espana, Laong Laan, Dapitan at iba pang kalye sa Maynila kaya naman buhol- buhol ang traffic at ‘di gumagalaw ang mga sasakyan patungong UST lalo na ang mula sa Quezon City. 

Dahil mahuhuli sa oras ng pagsusulit, karamihan sa examinees ay pawang naglakad o tumakbo patungong lugar ng kanilang exam. 

Merong mahigit isang kilometro o dalawang kilometro ang nilakad o tinakbo ng mga bata para lang umabot sa hinahabol na oras. 

Ang masaklap, siksikan na ang mga sasakyan sa Espana lalo na ang patungong south, ay wala namang nagmamando ng trapiko. 

Meron mang mangilan-ngilang pulis sa ilang kanto sa Espana, pero kulang na kulang dahil hindi naman magtagal sa gitna ng kalye dahil ayaw na ayaw ng mga pulis na masyadong mabilad sa araw kasi nga naman nasanay lang sila sa loob ng opisinang malamig. 

Sa totoo lang, hindi pa naman masyadong mainit ang ala-6 hanggang alas-7:30 ng umaga  pero nagtatago na ang mga pulis sa mga gilid-gilid. 

At take note, walang traffic enforcer na nakatalaga sa mga kalye ng oras na iyon. 

Aba, dahil ba wala silang kikitain? 

Eh bakit kapag gabi o maghahatinggabi eh nagkumpulan kayo sa gawi ng Manila North Cemetery at Dimasalang o Laong Laan? 

Kasi maraming nagdaraang trak doon na pwedeng-pwede nyong hulihin at tiketan? 

Ay naku, walang pagbabago. Puro kita ang nasa isip ng mga traffic enforcer na ito. 

Pero bakit nga ba matraffic sa Espana at iba pang kalye na nakapalibot sa UST kahapon? 

Nangyari na ‘yon noong January  8  2023 kung saan ang mga graduating student ng Grade 12 ay kumuha ng entrance exams sa Dela Salle University at sa dami ng mga sasakyan na naghatid,naghintay at sumundo sa   examinees ay buhol-buhol din ang mga sasakyan. Walang nais magbigay o magparaya upang lumuwag ang daloy ng trapiko kaya naman ang bagal ng galaw ng mga sasakyan. 

Ang kagandahan, may mga guwardiya ang DLSU na tumutulong sa pagmamando ng trapiko na malaking tulong sa mga mag-aaral. 

Ang pangyayari kahapon ay patunay lang na natutulog sa pansitan ang mga hepe ng MTPB at MPD-TEU.

Kasi naman hindi sila nakikipagtalastasan o koordina sa mga opisyal ng paaralan.

Kung inalam sana nila ang mga petsa ng entrance exam ng mga nasasakupan nilang mga paaralan, e di sana nakapagplano sila at maagang nakapagtalaga ng mga pulis na magmamando ng trapiko. 

Hindi naman kahapon lang ma-traffic ang Maynila. 

Malapit na ang anniversary  MPD. Baka naman sa anibersayo wala na namang magmando ng trapiko. 

Kapag nangyari iyon, siguro na  sisibakin na  ni Mayor Honey Lacuna- Pangan ang mga hepe ng traffic sa Maynila MPD. Hindi ba PBGen. Andre Dizon, district director ng MPD?

Naku, puro kahihiyan kasi ang ibinibigay  sa premier city ng bansa. 

Mayora, ayaw mo po ng gamitong mga tao sa iyong pamunuan. Iyong binibigyan ka ng kahihiyan bukod pa sa panay ang pasweldo mo pero sinisira pa pangalan mo.