Herbosa inirekomenda ng PHAPI bilang sunod na DOH chief

Herbosa inirekomenda ng PHAPI bilang sunod na DOH chief

June 17, 2022 @ 10:48 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Inirekomenda ng Private Hospitals Association Philippines (PHAPI) nitonf Huwebes si National Task Force (NTF) Against COVID-19 adviser Dr. Teodoro “Ted” Herbosa bilang susunod na kalihim ng Department of Health (DOH).

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni PHAPI president Dr. Jose de Grano na inirerekomenda rin ng iba’t ibang hospital societies, maging ng Philippine Medical Association (PMA), si Herbosa bilang sunod na DOH chief.

“Sa amin pong mga hanay mayroon pong mga hospitals, different societies, even the PMA, mayroon po kaming nirerecommend and hopefully siya po ang tanggapin ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., gawin siyang secretary of Health,” ayon kay De Grano.

“Pero of course the final decision ay sa kanila pa rin po. At ‘yun po ang aming nirerecommend ay si Dr. Ted Herbosa po,” dagdag niya.

Samantala, inirekomenda naman ng Philippine Orthopaedic Association (POA) ang dati nitong presidente na si Dr. Jose Pujalte sa naturang pwesto.

Sinabi rin ni De Grano na inaasahan nilang ang susunod na pinuno ng DOH ay magiging bukas sa pagtulong sa mga doktor, ospital, at  iba’t ibang healthcare facilities.

Hindi pa inaanunsyo ni Marcos ang sunod na DOH secretary. RNT/SA