Heritage walk kontra PAREX isinagawa sa Maynila

Heritage walk kontra PAREX isinagawa sa Maynila

October 2, 2022 @ 12:56 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Isinagawa ng iba’t ibang grupo partikular na ang mga tagapag-alaga ng mga historical sites ang isang “heritage walk” bilang pagtutol sa planong pagpapatayo ng PAREX, o expressway na dadaan sa Pasig River.

Sa pamamagitan ng heritage walk ay nag-imbita ang mga grupo ng mga lokal na turista at inikot ang mga makasaysayang establisyimento na malapit sa lugar at sa ilog Pasig.

Ayon sa pangulo ng grupong Renacimiento Manila na si Diego Torres, nais nilang ipakalat ang impormasyon sa publiko na maaaring maapektuhan umano ng ipapagawang expressway ang mga lumang gusali na nakapaligid sa Pasig River.

“This is our way of showing our opposition through education. Educating people and bringing them to these areas para makita nila- ano ba yung meron dito sa Maynila. Bakit natin kailangan i-protect yung Pasig River sa cultural, heritage treasure na historical landmark, the river itself is a historical landmark,” ani Torres.

Kasama umano sa mga posibleng maapektuhan ay ang Fort Santiago, Post Office at mga lumang gusali sa Binondo.

Dahil dito ay patuloy na ipinananawagan ng grupo na huwag nang ituloy ang konstruksyon ng PAREX.

“Our call to the authorities is to review yung Pasig River Expressway and hindi siya ituloy, there are other ways… We could create other forms of transportations such as ferry and promote Pasig River instead,” dagdag pa niya. RNT/JGC