Herlene, na-senti nang yumakap sa ibang nanay!

Herlene, na-senti nang yumakap sa ibang nanay!

December 27, 2022 @ 12:20 PM 1 month ago


Manila, Philippines – Pasko ang panahon ng pagiging senti.

Hindi nalalayo si Herlene Budol na inapuntahan ng pagiging emosyonal nang maalala ang kanyang Nanay Bireng na hindi na niya makakapiling ngayong Kapaskuhan.

Si Nanay Bireng ay lola ni Herlene na kinalakhan niya along with her grandfather kesa sa mga totoo niyang magulang.

Pumanaw si Nanay Bireng noong Hunyo ng kasalukuyang taon sanhi ng kidney failure at mga kumplikasyon.

Umiiyak na inalala ni Herlene ang lola niya nang um-attend siya ng blessing ng naipundar na bahay ni Madam Inutz na alaga rin ng manager niyang si Wilbert Tolentino.

Sa kanyang Instagram at Facebook accounts, ipinost ni Herlene ang maikling video clip kung saan nakayakap siya kay Nanay Griselda na ina ni Madam Inutz.

Aniya na umiiyak, ang sarap daw makita ang isang ina na proud sa achievement ng kanyang anak.

Nanghihinayang si Herlene na hindi na naabutan ng kanyang Nanay Bireng ang kanyang bahay dahil pumanaw na ito.

Hindi rin naabutan ng kanyang lola nang manalo siyang first runner-up sa Binibining Pilipinas.

Sa video, napansin pa ni Herlene ang braso ni Nanay Griselda dahil ganoon din daw ang balat ng yumaong lola.

Nakayapos si Herlene sa nakangiting matanda at nakahilig pa sa dibdib nito.

Biniro nga si Herlene na baka makatulog habang nakayakap kay Nanay Griselda.

Dalangin pa ni Herlene, sana raw ay mapaginipan niyang muli si Nanay Bireng. Ronnie Carrasco III