Hideout ng mga NPA, natunton sa Isabela

Hideout ng mga NPA, natunton sa Isabela

January 6, 2022 @ 10:51 AM 7 months ago


Cagayan Valley – Natunton ng mga sundalo ng Focused Military Operation ng 95th Infantry Battalion Philippine Army ang abandonadong hideout ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Reina Mercedes, Maconacon, Isabela.

Ayon kay Army Capt. Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division Philippine Army, ang hideout ay tinatayang abandonado na ng  dalawang buwan batay sa bakas ng mga iniwanang puwesto ng mga rebelde.

Hanggang sa ngayon ay patuloy ang pagtukoy ng militar kung saan na nagkanlong ang mga kasapi ng NPA na umalis sa kanilang hideout.

Matatagpuan ito sa masukal na bahagi ng kabundukan ng barangay Reina Mercedes, Maconacon at tinatayang 50 na NPA ang puwedeng tumira sa hideout.

Teorya ng militar, patuloy ang paghina ng puwersa ng mga NPA sa Isabela dahil sa pagbabalik-loob ng mga miyembro.

Ang hinahanap na lamang nila ay ang natitirang  puwersa ng Central Front Committee at regional sub-unit ng Regional Sentro de Gravidad (RSDG)  ng CPP-NPA.

Batay aniya sa pagsisiwalat ng mga sumukong NPA ay posibleng hanggang 15 na lamang ang natitirang kasapi ng RSDG at Central Front Committee.

Patuloy ang operasyon ng militar sa nasabing lugar para matunton ang mga rebelde na umalis sa kanilang hideout at lumipat ng bagong kuta. (REY VELASCO)