Hidilyn Diaz at boyfriend, engaged na!

Hidilyn Diaz at boyfriend, engaged na!

October 17, 2021 @ 7:00 AM 1 month ago


MANILA Philippines – Wala nang kawala sa isa’t isa ang Olympic weightlifting gold medalist na si Hidilyn Diaz at ang coach-boyfriend n’yang si Julius Naranjo.

Engaged to be married na sila next year.

Inilabas na ni Hidilyn sa kanyang Instagram post ang kanyang bagong GINTO—isang singsing na may weightlifting motif na gawa ng Manila Diamond Studio.

Naganap ang proposal ni Julius kay Hidilyn sa Sheraton Hotel, Resorts World Manila, Oktubre 15, Biyernes, ayon sa manager ni Hidilyn na si Noel Ferrer, na kabilang rin sa grupo ng reporters na ang tawag sa sarili ay PEP Troika.

Lahad ni Hidilyn sa Instagram: “It was a magical moment with @imjulius.

“I’m grateful to God that He sent Julius into my life. He makes my life easy. Alam ng iba kung ano mga sinasakripisyo niya para maabot namin ang pangarap na Ginto sa Olympics together with #TeamHD.

“Nu’ng laro, kinilig at masaya ako kasi siya mismo nagsabi God is the center of our relationship, kaya walang duda magye-yes ako dahil swerte ako may isang Julius na nagmamahal, nagintindi , at sumoporta sa ‘kin.”

Nauna nang naganap ang despedida dinner sa dinadayong Vubble sa Sheraton na nagsimula nang 6:30 p.m.

Kasama nina Haidie at Julius ang kanilang mga ate at kuya sa #TeamNOEL na sina Marco Alcaraz at Precious Lara Quigaman, at Iza Calzado at asawang Booky Boss na si Ben Wintle.

Masaya ang naging special dinner ng tatlong couples na nauwi sa proposal ni Julius kay Hidilyn.

Binuko ni Noel na lagi na lang ginagawa ni Coach Julius ang lumuhod kay Hidilyn na pabiro pero wala pa ang singsing bilang prank—pero iba na ito.

Ang joke nga sa kanila ng kuwelang si Joross Gamboa, “OK lang i-prank ang proposal, pero huwag niyo naman sanang i-prank ang wedding, ha. Seryosohin niyo ‘yun.”

Hagalpakan sa kakatawa ang mga tao, dagdag pa ni Noel, kasama ang trainer-fitness coach expert na si Culver Padilla.

Naroon din sa dinner ang ilang kaibigan nina Haidie at Julius, kasama ang kilala at magaling na designer na si Francis Libiran with Arsi Baltazar and Nat Manilag na siyang mag-aasikaso ng kasal sa isang taon. Danny Vibas