“HIGH RECORD HOME LOANS” NAKAMIT NG PAG-IBIG FUND SA TATLONG QUARTERS NG TAONG 2022

“HIGH RECORD HOME LOANS” NAKAMIT NG PAG-IBIG FUND SA TATLONG QUARTERS NG TAONG 2022

October 20, 2022 @ 6:24 PM 1 month ago


ISA na namang “all time-record high” ang nakopo ng HMDF o Home Mutual Development Fund o mas higit na kilala bilang Pag-IBIG Fund matapos itong makapaglabas ng kabuuang P83.31billion pesos home loans mula January 2022 hanggang September 2022. 

Tumaaas ng 27% o katumbas ng P17.8 billion pesos home loans na na-aprubahan ng Pag-IBIG Fund kumpara sa kaparehas na panahon noong taong 2021 na P65.48 billion pesos.

Ikinatuwa ni DHSUD o Department of Human Settlements and Urban Development secretary Jose Rizalino Acuzar na siya ring chairperson ng eleven-man Pag-IBIG Fund Board of Trustees ang magandang performance ng ahensiya sa loob ng anim na buwan ng taong 2022 kung saan tatlong buwan ay sa ilalim na ng administrasyong Marcos. Pagpapatunay umano ito na parami ng parami ang natutulungan mga Pilipino na magkaroon ng sarili nilang tahanan na isa sa mga pangunahig adyenda ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. sa ilalim ng “Pambansang Pabahay para sa Pilipino” program.

Dagdag paliwanag ni Ms. Marilene Acosta, chief executive officer ng Pag-IBIG Fund, sa aprubadong home loans, nasa P5.72 billion pesos ang para sa socialized home loans na pinakinabangan ng 13,131 members na mga minimum-wage earners.

Inaasahan na malalagpasan ng ahensiya ang P110 billion pesos home loans ngayong taon kung saan higit kumulang 100,000 manggawang Pilipino ang matutupad ang pangarap na magkaroon ng sariling tahanan. Ito ay bahagi ng “Lingkod Pag-IBIG: Tapat na Serbisyo, Mula sa Puso” para sa bawat miyembro.

Hinimok ng pamunuan ng HDMF ang mga employers na mayroon pang unremitted contributions ng kanilang mga empleyado, bago pa man o sa kasagsagan ng coronavirus disease 2019, na mag-avail ng penalty condonation program.  

Ang penalty condonation program ay para mabigyan ng pagkakataon ang mga employers na maisaayos ang kanilang rekord sa Pag-IBIG Fund at maseguro na may tamang benepisyo ang mga manggagawa alinsunod sa batas.

Pakikiisa din ito ng Pag-IBIG Fund sa economic recovery ng mga negosyong lubhang naapektuhan ng COVID-19 alinsunod sa kautusan ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr.

Nakasaad sa Pag-IBIG Fund charter na ang mga employers ay siyang responsable sa pagrerehistro at pagbabayad ng buwanang kontribusyon ng mga miyembro. Sa ilalim ng penalty condonation ay walang ipapataw na penalty charges, 100% ang condonation na ipagkakaloob.