HIGH TECH COMPANIES  AT DELIKADONG AI

HIGH TECH COMPANIES  AT DELIKADONG AI

January 23, 2023 @ 1:45 PM 2 weeks ago


KAMAKAILAN lang, tinalakay natin ang pagsibak sa malakihang bilang ng empleyado ng mga high technology na kompanya.

Kakamakalawa, sinabi ng Google na magtatanggal ito ng nasa 12,000 mula sa 187,000 na empleyado nito, kasama ang sa may-ari nito na Alphabet.

Hindi na umano kayang balikatin ang pagpapasahod ng Google-Alphabet sa lahat ng empleyado nito.

Kasabay na rin nang pagsibak ang pagpapahusay sa Artificial Intelligence program nito para malabanan ang Microsoft na kakompetensya nito sa AI.

Nauna rito, mga brad, nagsibak na rin ang Meta-Facebook ng 11,000 obrero bago nagtapos ang taong 2022 habang nagsibak naman ang Amazon ng nasa 18,000 nitong sa buwang ito.

Ang Microsoft, magsisibak din ng 10,000 sa 221,000 empleyado nito magsimula umano sa buwang ito.

Sa kabuuan, mayroon na umanong 194,000 natanggal sa trabaho sa mga high tech na kompanya ngunit sa United States lamang.

Iba pang bilang ang mga nasa labas ng US na roon matatagpuan ang mga sangay ng nasabing mga kompanya.

Malalaki ang mga halaga na ibinibigay para sa separation fee, bonus, health benefits at iba pa.

Pero alam naman natin na hindi rin magtatagal ang mga ito habang naghahanap ng trabaho ang mga nasibak at kung may pamilya ang mga obrerong nawalan ng trabaho.

Maalala pala natin, delikado sa empleyo ang artificial intelliigence.

Sa AI, kapag gumana na ito nang husto, lalong marami ang mawawalan ng trabaho kahit pa sa hanay ng mga haytek na empleyado.

Kaya ng AI na may kakambal na robot ang maging propesor sa eskwela.

AI na rin ang nagpapatakbo sa maraming industriya gaya ng paggawa ng mga sasakyan dahil kasama ang AI sa mga robot.

Pati nga trabaho ng mga waiter at waitres at pulis at militar, nakapwesto na rin ang mga AI at robot.

Kaya naman, asahan pa ang lalong sibakan sa mga haytek na kompanya.

Kaya naman, dapat paghandaan na ito, lalo ng pamahalaan na siyang pangunahing pwersa at gabay sa pagpapaunlad at pagpapatatag ng empleyo.