Highly-endangered dolphin nadiskubre sa Bohol sa kauna-unahang pagkakataon

Highly-endangered dolphin nadiskubre sa Bohol sa kauna-unahang pagkakataon

September 28, 2022 @ 12:00 PM 2 months ago


BOHOL, Philippines – Sa kauna-unahang pagkakataon ay nasilayan sa Pilipinas partikular sa baybayin ng Calabanga, Camarines Sur ang highly-endangered Irrawaddy dolphin.

Sa kasamaang palad, nasawi ang isa sanang malusog na dolphin matapos na mapulupot sa lambat ng mga mangingisda sa  San Miguel Bay noong Agosto 16.

Tinatawag naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at ng Philippine Marine Mammals Stranding Network (PMMSN) ang nasabing dolphin na Calab.

Ayon sa pahayag ng University of the Philippines Diliman College of Science, nakita sa autopsy ang tiyan ni Calab na puno pa rin ng hindi natutunaw na isda, na nagpapahiwatig na biglaan at hindi inaasahan ang pagkamatay nito.

Ang mga irrawaddy dolphin (Orcaella brevirostris) ay nailalarawan sa kulay abo o madilim na asul na likod at maputlang tiyan. Mayroon silang mataas na tolerance sa iba’t ibang antas ng kaasinan, na nagbibigay-daan sa kanila na manirahan sa mga lugar kung saan nagtatagpo ang maalat na tubig-dagat at tubig-tabang, tulad ng sa bukana ng mga ilog at look.

Ang mga ito ay kabilang sa mga pinaka-endangered species ng dolphin sa mundo, na ipinahiwatig bilang critically endangered sa Red List ng International Union for Conservation of Nature at ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ito ang unang pagkakataon na natagpuan ang isang Irrawaddy dolphin sa Pasipiko o silangang bahagi ng Pilipinas. Dati itong nakita sa kanlurang bahagi, sa Malampaya Sound, Palawan, at sa Kipot ng Iloilo-Guimaras. RNT