Higit 1.2M bagong botante rehistrado na – Comelec

Higit 1.2M bagong botante rehistrado na – Comelec

July 16, 2022 @ 12:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Umabot na sa 1,209,888 ang bilang ng mga bagong voter registrants hanggang noong Hulyo 14, sinabi ng Commission on Elections (Comelec) nitong Sabado.

Ito ay hinati sa 761,684 na bagong botante na may edad 15 hanggang 17 taong gulang; 383,836 na bagong botante na may edad 18 hanggang 30; at 64,368 botante na may edad 31 pataas, ayon kay Acting Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco

Muling ipinagpatuloy ng Comelec ang voter registration noong July 4.

Samantala, sinabi ng Comelec na nakatanggap sila ng 202,707 aplikasyon mula sa mga botante para ilipat ang kanilang rehistrasyon mula sa ibang mga lungsod o munisipalidad para sa barangay elections, at 2,001 naturang paglipat para sa Sangguniang Kabataan elections.

Ang mga aplikasyon para sa paglipat mula sa loob ng parehong lungsod o munisipalidad naman ay may bilang na 51,677 para sa barangay elections at 497 para sa SK elections.

Ang mga nag-apply para sa reactivation na may paglipat ay may kabuuang 8,534.

Samantala, umabot sa 3,100 ang mga botante na nag-apply para ilipat ang kanilang rehistrasyon na may reactivation at correction of entries.

Ang mga aplikasyon para sa paglipat na may pagwawasto ng mga entry sa kabilang banda ay umabot sa 10,544.

Ang natanggap na kabuuang mga aplikasyon para sa muling pag-activate ay may bilang na 55,643.

Umabot sa 13,062 ang mga nag-apply para sa reactivation na may correction of entries.

Sa kabilang banda, nakatanggap ang poll body ng 36,583 aplikasyon para sa pagpapalit ng mga pangalan o pagwawasto ng mga entry.

Sinabi ni Laudiangco na nakatanggap ang Comelec ng 51 aplikasyon para sa pagsasama ng record sa book of voters.

Samantala, 17 naman ang nag-apply para maibalik ang kanilang mga pangalan sa listahan ng mga botante.

May kabuuang 3,480 na botante sa kabilang banda ang nag-apply ng transfer mula sa overseas sa local

Sa kabuuan, ang Comelec ay nagproseso ng kabuuang 1,597,784 na aplikasyon noong Hulyo 14.

Magpapatuloy ang voter registration hanggang July 23. Jocelyn Tabangcura-Domenden