Higit 100 pamilya apektado ng demolisyon sa Tondo

Higit 100 pamilya apektado ng demolisyon sa Tondo

November 10, 2022 @ 6:02 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Sa kabila ng kahilingan ng Office of the City Legal Office sa Maynila na ipagpaliban ang pagpapagiba sa higit 60 istraktura na nakatirik sa pagmamay-ari ng isang pribadong kompanya, ipinagpatuloy pa din ang pag-demolish sa mga ito makaraang basbasan ng kinatawan ng City Engineering Office sa Tondo ngayong araw, Nobyembre 10.

Ayon kay Engr. Ed Balayan, building inspector, binigyan nila ng basbas na ipademolish ang nasa higit 300 sq/m na lupain na kinatitirikan ng mga bahay ng nasa 100 pamilya na matatagpuan sa kanto ng Coral at Juan Luna Sts. dahil walang maipakitang Temporary Restraining Order (TRO) mula sa Supreme Court (SC) ang Tondo Central Neighborhood Association, Inc. sa pamumuno ng kanilang Presidente na si Ronaldo Bautista sa kabila ng pakikipagpulong nila kung saan nagkaroon ng consensus kasama nila 1st Dist. Cong. Ernesto Dionisio, Cong. Irwin Tieng at Manila Vice Mayor Yul Servo hinggil sa pagpapaliban sa demolisyon matapos na maghain ng petisyon sa SC si Jaime David, na isa ring residente at miyembro ng asosasyon.

Nilagdaan ni City Legal Officer Veronica N. Lladoc ang nasabing kasunduan kung saan dapat kanselahin o ipagpaliban ang demolsyon sa lugar na pag-aari ng Meridian Cargo Forwarders, Inc. dahil sa nakabinbing petisyon for review sa Korte Suprema.

Dahil dito walang nagawa ang mga residente kaya nakiusap na lamang sila na bigyan sila ng sapat na oras upang makapag-alsa balutan at mailipat ang kanilang mga gamit bago gibain ang kanilang tinutuluyang bahay.

Nabatid din kay Balayan na noong Nob. 2 pa dapat nakatakdang ipagiba ang naturang residential area na sakop ng Barangay 59.

Samantala, may mga nakaantabay namang mga tauhan ng DSWD, Housing and Urban Development at iba pa upang umalalay sa mga apektadong residente kung saan inilista ang bawat pamilya upang mabigyan ng kahit konting tulong pinansiyal. JAY Reyes