Higit 100 riders lumahok sa Women’s Month motorcade sa Pasay

Higit 100 riders lumahok sa Women’s Month motorcade sa Pasay

March 9, 2023 @ 12:38 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Kaugnay sa selebrasyon ng National Women’s Month ay sinimulan ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang isang-buwang pagdiriwang sa pamamagitan ng motorcade na nilahukan ng mahigit 100 motorcyle riders sa lungsod.

Pinangunahan ni Pasay City Mayor Imelda “Emi” Calixto-Rubiano ang selebrasyon ng International Women’s Day nitong Pebrero 8 kabilang ang mahigit 100 NMax at Vespa riders na lumahok sa “Juana Funride”.

Ang “Juana Funride” motorcade ay nagsimulang umarangkada ng alas-8:00 ng umaga sa Pasay City Hall at nagtapos sa World Trade Center sa may Buendia Avenue dakong alas-10:30 para sa pagsasagawa ng programa.

Mula sa Barangay 183 sa Villamor, ang mga lumahok sa motorcade ay kumaliwa sa 4th St., kumanan sa Manlunas, muling kumaliwa sa Andrews Ave. patungong Roxas Boulevard, kumaliwa sa EDSA, kumanan sa Macapagal Ave., at muling kumanan sa Buendia Avenue hanggang sa makarating sa World Trade Center.

“Itong buwan ng kababaihan, ipagdiwang natin ang ating pagiging makabagong Juana! Ipakita natin at ipagmalaki natin ang ating lakas at galing sa pamamagitan ng ating mga tungkulin bilang ina, asawa, kaibigan, at lider,” ani Calixto-Rubiano.

Inanyayahan ng alkalde ang mga residente na lumahok at samantalahin ang pagkakataon ng libreng pagbibigay ng pagseserbisyo katulad ng Pink Lane o priority lane para sa mga kababaihan at ang Zumba session sa City Hall grounds sa Marso 11.

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na nag-aalok din ang lokal na pamahalaan ng libreng sakay sa mga kababaihan mula Marso 1 hanggang sa katapusan ng buwan.

Kasabay nito ay makakakuha rin ng libreng kopya ng certified true copy (CTC) ng birth at marriage certificate sa lokal na Civil Registry Office; libreng Ultrasound, Xray at ECG; job fairs; libreng Seminar sa Stress at Mental Health; Kalipi Seminars sa Violence Against Women and Children (VAWC); Women Health Awareness and Prevention; cook-off sa Marso 30 at 31 at iba pa.

“Patuloy tayong magbigay ng higit pa sa sapat sa bayan at mamamayan sa ngalan ng Tapat at Paglilingkod,” pagtatapos ni Calixto-Rubiano. James I. Catapusan