Higit 10K iskul face-to-face classes na — DepEd

Higit 10K iskul face-to-face classes na — DepEd

March 24, 2022 @ 7:51 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Mahigit sa 10,000 eskuwelahan na naghahandog ng basic education sa buong bansa ang kasalukuyan ngayong nagpapatupad ng limited face-to-face classes sa mga lugar na nasa ilalim ng Alerts Levels 1 at 2.

Sinabi ni Department of Education (DepEd) Assistant Secretary Malcolm Garma, base sa quick count “as of March 22,” may kabuuang 10,196 eskuwelahan ang nagpapatupad ng limited face-to-face classes.

“There is a total of 14, 396 public and private schools submitted by the regions that are nominated for the progressive expansion phase of the limited face-to-face classes with 2, 600, 773 learners,” ayon kay Garma.

Batay sa quick count hinggil sa bilang na nagpartisipang eskuwelahan na nagsimulang magpatupad ng ‘progressive expansion’ ng limited face-to-face classes, ang Region III ang may pinakamaraming bilang ng eskuwelahan na nagpatuloy na ang ‘in-person classes’ dahil mayroon itong 1,809 schools na naitala.

Sinundan ito ng Region VIII na may 1, 536 eskuwelahan; Region IX na may 1,333; at Region V na may 1,164 eskuwelahan.

Sa National Capital Region (NCR), mayroong 292 eskuwelahan kung saan 265 ang pampubliko habang 27 naman ang pribado na nagpatupad ng limited face-to-face classes.

Sinabi ni Garma na nagpi-presenta ang DepEd ng data base sa quick count lalo pa’t binigyan naman ng kapangyarihan ang mga regional directors na pumili ng mga eskuwelahan na magpapartisipa sa progressive expansion ng limited face-to-face classes.

“However, we need to to validate and put some corrections on the numbers, but nevertheless, what we provide you are the actual numbers that come from our Regional Offices through our planning officers,” dagdag na pahayag nito. Kris Jose