Higit 120k HCWs dipa nakatatanggap ng OCA

Higit 120k HCWs dipa nakatatanggap ng OCA

June 19, 2022 @ 1:15 PM 7 days ago


MANILA, Philippines- Hindi pa nakatatanggap ng kanilang One COVID-19 Allowance (OCA) ang mahigit 120,000 healthcare workers at iba pang personnel na kasama sa pagtugon sa pandemya, sabi ng isang mataas na opisyal ng Department of Health (DOH).

Sa panayam, binanggit ni DOH Undersecretary at treatment czar Leopoldo Vega na 400,000 mula sa 526,727 healthcare workers ang nabigyan na ng OCA ng pambansang gobyerno.

Ito ay matapos sabihin ni Private Hospitals Association Philippines (PHAPI) president Dr. Jose de Grano nitong Huwebes na ang karamihan sa mga pribadong ospital ay hindi pa nakakatanggap ng kanilang OCA.

Ayon kay Vega, nakikipag-ugnayan na ang DOH sa PHAPI ukol sa listahan ng hospitals na ang kanilang health workers ay hindi pa nakakatanggap ng OCA

“Napag-usapan po namin kahapon kung puwede ibigay ni President Rene de Grano ‘yung mga hospitals na hindi pa nakatatanggap para ma-coordinate at mabigyan ng tugon. Okay naman, sabi niya ibibigay niya,” ani Vega.

Ang DBM ay naglaan ng P7.92 bilyong badyet para sa COVID-19 allowance ng mga pampubliko at pribadong healthcare worker at non-healthcare worker.

Sa halagang ito, P4.5 bilyon ay para sa benepisyo ng 100,313 plantilla workers ng DOH sa mga pampublikong ospital, opisina, at rehabilitation centers kabilang ang mga nasa military at state university hospitals. Samantala, ang natitirang P3.42 bilyon ay para sa 426,414 health workers na nakatalaga sa local government units at private health facilities, at iba pa.

Ipinaliwanag ni Vega, bibigyan ng P9,000 ang mga matutukoy na may mataas na panganib sa viral disease; P6,000 para sa medium risk; at P3,000 para sa low risk.

Tiniyak pa niya na ang mga health worker na hindi pa nakakatanggap ng kanilang COVID-19 allowance ay gagawin ito sa ilalim ng papasok na administrasyon.

Nauna nang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang batas na nag-uutos ng patuloy na benepisyo sa lahat ng mga healthcare worker sa bansa sa panahon ng pandemya ng COVID-19 at iba pang mga emergency sa kalusugan ng publiko sa hinaharap. Jocelyn Tabangcura-Domenden