Higit 125K indibidwal nabakunahan sa Maynila sa 3 araw

Higit 125K indibidwal nabakunahan sa Maynila sa 3 araw

July 6, 2021 @ 2:41 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Umabot sa 125,598 indibidwal ang nabakunahan kontra COVID-19 sa lungsod ng Maynila sa loob lamang ng tatlong araw.

Ito ang ibinida ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamumuno ni Mayor Isko Moreno Domagoso kasabay ng pahayag ng alkalde na nabasag muli ang panibagong record sa pinakamaraming nabakunahan sa loob lamang ng isang araw kung saan pumalo sa 43,011 ang kabuuang bilang ng mga nabakunahan nitong Hulyo 5, 2021 (Lunes).

Batay sa record ng Manila Health Department (MHD), nasa 42,649 ang nabakunahan noong Hulyo 3; 39,938 ang nabakunahan nitong Hulyo 4; at 43,011 ang nabakunahan nitong Hulyo 5.

Sa kabuuang bilang, tinatayang nasa halos 770,000 na ang naipamahaging bakuna ng lokal na pamahalaan sa lungsod ng Maynila kung saan tuloy-tuloy ang isinasagawa nilang “mass vaccination” sa 18 vaccination sites nila sa anim na distrito bukod pa ang apat na mall sites kabilang na ang SM San Lazaro, SM Manila, Lucky Chinatown, at Robinson’s Place Manila. Jay Reyes