Higit 130K bamboo culms, native seedlings itinanim sa ika-65 kaarawan ni PBBM – DENR

Higit 130K bamboo culms, native seedlings itinanim sa ika-65 kaarawan ni PBBM – DENR

September 21, 2022 @ 7:10 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Aabot sa mahigit 130,000 bamboo culms at native tree seedlings ng iba’t ibang species ang itinanim sa sabay-sabay na bamboo at tree planting activity sa buong bansa upang ipagdiwang ang ika-65 kaarawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. noong Setyembre 13 iniulat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ayon sa DENR sa pamamagitan ng temang “Buhayin ang Pangangalaga ng Kalikasan,” pinangunahan ni Pangulong Marcos ang kickoff ceremony sa lumang sanitary landfill (SLF) na ini-rehabilitate ng DENR sa Barangay Pintong Bocaue, San Mateo, Rizal na matatagpuan sa Upper Marikina River Basin Protected Landscape. Ang dating SLF ay ipinasara noong Nobyembre 1989.

Itinanim sa lugar ang may 1,613 seedlings kabilang ang ibat-ibang species ng kawayan at fruit-bearing trees.

Kaugnay nito sa kanyang welcome remarks, nagpasalamat si DENR Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga sa pribilehiyong ibinigay sa kanya sa pagpakilala sa pangulo at sinabi din nito na ang nationwide activity ay simbolo ng direksyon ng bagong administrasyon at ng pambansang pangako na tugunan ang climate change, pigilan ang mga epekto nito at bawasan ang panganib ng mga vulnerable communities and ecosystems.

Samantala nagdaos din ng mga kasabay na tree planting activities sa 111 sites sa buong bansa na sumasakop sa kabuuang 681.5 hectares na tinaniman ng bamboo culms at indigenous timber tree seedlings tulad ng agoho, kalumpit, yakal, molave, narra, bignai at banaba.

Ang kaganapang ito ay bahagi ng selebrasyon ng Philippine Bamboo Month alinsunod na rin sa Presidential Proclamation No. 1401, series of 2022 at bilang suporta sa direktiba ng pangulo na palakasin ang paglaban ng bansa sa natural disasters sa pamamagitan ng pagpapalawak ng forest cover at pagpapabilis ng pagsisikap para sa proteksyon ng mga kagubatan.

Ang aktibidad ay inorganisa ng DENR, Department of Agriculture, at ng Department of the Interior and Local Government. Santi Celario