Higit 13K estudyante may tig-P4K sa Pasay

Higit 13K estudyante may tig-P4K sa Pasay

February 20, 2022 @ 2:25 PM 4 months ago


MANILA, Philippines -Inihayag ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na nakahanda na ang lokal na pamahalaan sa distribusyon ng financial assistance sa 13,390 estudyante ng elementarya at high school na nakatakdang ipamahagi simula Pebrero 21 hanggang Pebrero 25.

Ayon kay Calixto-Rubiano, ang bawat estudyante ay makatatanggap ng P4,000 cash aid para sa Setyembre hanggang Disyembre 2021.

Paliwanag pa ni Calixto-Rubiano na ang ginagawang distribusyon ng ayuda para sa mga estudyante ay naantala dahil sa muling pagsipa ng coronavirus disease o COVID-19 Omicron variant.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na ang mga benepisyaryong estuyante na makatatanggap ng P4,000 cash assistance ay magmumula sa siyam na eskwelahan sa lungsod.

Unang mamamahagi ng P4,000 cash aid ang lokal na pamahalaan sa mga estudyante ng Juan Sumulong Elementary School (JSES) sa darating na Pebrero 21 (Martes).

Sa Pebrero 22 (Miyerkules) ay nakatakda namang mamahagi ng cash aid sa mga estudyante ng tatlong eskwelahan na kinabibilangan ng Epifanio De los Santos Elementary School (EDSES), Philippine School for the Deaf (PSD), at Rafael Palma Elementary School (RPES).

Nakatakda naman ang pamamahagi ng ayuda sa mga estudyante ng Bernabe Elementary School (BES), Pasay City National Science High School (PCSNHS), Cuneta Elementary School (CES), at Philippine National School for the Blind (PNSB) sa darating na Pebrero 23.

Sa huling dalawang araw (Pebrero 24-25) ng distribusyon ng cash assistance ay magiging benepisyaryo naman ang 2,500 estudyante ng Maricaban Elementary School (MES). James I. Catapusan