Higit 1,500 bahay sa Cebu binuksan para sa Yolanda victims

Higit 1,500 bahay sa Cebu binuksan para sa Yolanda victims

March 25, 2022 @ 4:50 PM 3 months ago


MANILA, Philippines- Pinangunahan ni Cabinet Secretary Melvin Matibag katuwang ang mga opisyal mula sa National Housing Authority (NHA) at beneficiary LGUs ang magkakasunod na turnover ng karagdagang 1,521 housing units sa lalawigan ng Cebu bilang bahagi ng nagpapatuloy na virtual turnovers para sa mga biktima ng Yolanda.

Ang mga bagong-gawang bahay ay natanggap ng mga pamilyang benepisyaryo na naninirahan sa Bantayan (500 units), Pilar (406 units), at San Francisco (615 units). Ang pamamahagi ay bahagi ng pangako ng administrasyong Duterte na matugunan ang mga pangangailangan sa pabahay ng mga apektadong pamilya at tapusin na ang mga proyektong ito bago matapos ang kanyang termino.

Ito ang magkakasunod na serye ng ceremonial turnovers sa ilalim ng panunungkulan ni Matibag mula ng malipat sa kanya ang chairmanship ng Inter-Agency Task Force for the Unified Implementation and Monitoring of Rehabilitation and Recovery Projects and Programs in Yolanda-affected Areas (IATF-Yolanda) noong Marso 8, 2022.

Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Matibag ang NHA sa pamumuno ni General Manager Marcelino Escalada Jr., kasama si Regional Manager Engr. Hermes Jude Juntilo at mga staff ng NHA Region 7, gayundin kina Bantayan Mayor Arthur Despi, Pilar Mayor Manuel Santiago, San Francisco Mayor Alfredo Arquillano Jr, at iba pang mga opisyal ng lokal na pamahalaan para sa kanilang pagpapanatili ng mabilis na pamamahagi ng proyektong pabahay.

Bagama’t marami aniyang pinagdaanan ang bansa sa nakalipas na dalawang taon, nagawa pa rin ng mga ahensiyang katuwang ng IATF-Yolanda na ganap na makumpleto ang housing commitment ng Duterte Administration para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

“We will ensure that the legacy of the Duterte administration will be enjoyed by the next generations to come. Ang tanging kahilingan namin ay sana’y pangalagaan, panatilihing matiwasay, at siguraduhing malinis at mapayapa ang bagong komunidad nila,” dagdag pa ng Kalihim.

Ang mga local chief executives at LGU officials ng Bantayan, Pilar at San Francisco, Cebu ay kapwa nagpapasalamat kay Pangulong Rodrigo Duterte at NHA para sa pagtiyak ng napapanahong pagkumpleto ng libreng pabahay at pagbibigay prayoridad sa kanilang mga pangangailangan na makatutulong sa kani-kanilang mga nasasakupan. Kris Jose