Higit 15K bagong kaso ng COVID naitala sa isang linggo

Higit 15K bagong kaso ng COVID naitala sa isang linggo

October 17, 2022 @ 6:50 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nakapagtala pa ng 15,314 na bagong kaso ng COVID-19 ang bansa mula Oktubre 10 hanggang 16 ayon sa Deparment of Health (DOH).

Ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 2,188, mas mataas ng 7% kung ikukumpara sa mga kaso noong Oktubre 3 hanggang 9.

Apat sa mga ito ang may malubha at kritikal na karamdanan mula sa naturang mga bagong kaso.

Samantala, mayroon namang naitalang 251 na pumanaw kung saan 33 ay naganap noong Oktubre 3 hanggang 16.

Mayroon namang 690 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa ating mga ospital dahil sa COVID-19 noong Oktubre 16.

Sa 2,504 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 625 (25.0%) ang okupado.

Samantala, 26.8% ng 21,281 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit.

Higit sa 73 milyong indibidwal o 93.98% ng ating target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 20 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.

Sa kabilang banda, 6.8 milyong senior citizens o 79.01% ng target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series ng bakuna.

Pinapaalalalahan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19. Bagkus, dapat ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1.

Paalala pa ng DOH na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar at agad mag-isolate kapag nakaramdam ng sintomas. Jocelyn Tabangcura-Domenden