Higit 15K security forces ipakakalat sa inagurasyon ni PBBM – PNP

Higit 15K security forces ipakakalat sa inagurasyon ni PBBM – PNP

June 24, 2022 @ 1:00 PM 4 days ago


MANILA, Philippines- Mahigit 15,000 pulis ang itatalaga na magbantay sa seguridad sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hunyo 30, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes.

Inihayag ng PNP na bubuuin ito ng mga pulis, sundalo, Coast Guard personnel, at iba pang force multipliers.

Pakikilusin din ang Task Force Manila Shield dalawang araw bago ang inagurasyon ni Marcos sa National Museum, ayon kay PNP director for operations Police Major General Valeriano De Leon.

Sisiguruhin ng task force ang “maximum security” sa naturang aktibidad.

Maglalagay din ng mga checkpoint at chokepoint sa lahat ng entry points sa Manila sa loob ng tatlong araw simula Hunyo 28 at magpapatupad ng gun ban simula Hunto 27 sa Metro Manila.

Maximum tolerance naman ang ibinigay sa mga raliyesta alinsunod sa utos ni PNP officer-in-charge Police Lieutenant General Vicente Danao Jr., base kay De Leon.

“There will be freedom parks assigned to the protesters, so we appeal to them to go and stay on those freedom parks to prevent unnecessary confrontation with our CDM units,” aniya.

“As instructed by our OIC PNP Police Lieutenant General Vicente Danao Jr. we will exercise maximum tolerance but at the same time we will not allow them to create trouble, so I appeal to them anew to use the freedom parks designated for them to stage their protest,” dagdag ng opisyal.

Nakikipag-usap na rin ang PNP sa iba’t ibang grupo na magsasagawa ng protesta upang siguruhing walang insidente sa inagurasyon.

Ipinag-utos din sa police commanders sa Metro Manila at mga karatig-probinsya upang paigtingin ang intelligence-gathering laban sa “threat groups” kaugnay ng umano’y binabalak na pagsabotahe sa inagurasyon ni Marcos. RNT/SA